2 cardiologists namatay sa COVID-19; 4 pa positibo

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Kinumpirma kahapon ng Philippine Heart Center (PHC) na dalawa nang cardiologist nila ang binawian ng buhay matapos na magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), habang may apat pang doktor ang kumpirmadong dinapuan din ng karamdaman.

Ayon kay PHC executive director Dr. Joel Abanilla, kabilang sa namatay sa sakit ay ang cardiologists na sina Dr. Israel Bactol at Dr. Raul Diaz Jara.

Hindi niya pinangalanan ang apat pang doktor na dinapuan na rin ng sakit ngunit tiniyak na nasa maayos nang kalagayan ang mga ito.

“As of now, we have six other doctors who are also positive. Of course, mawala na diyan si Jara at tsaka si Bactol. So may apat,” ani Abanilla, sa panayam sa radyo.

Matatandaan na unang namatay si Bactol, na 34-anyos lamang, at sumunod si Jara, na pumanaw dahil sa multiple complications. Malala umano ang naging kaso ng dalawa at kinailangang i-intubate ng ilang araw bago tuluyang binawian ng buhay.

“It is with profound sadness that we announce the loss of one of the great pillars of cardiology, PHA past president Dr. Raul Diaz Jara. He was a great father, teacher, mentor, poet, author, singer” saad sa pahayag ng Philippine Heart Association (PHA).

Inaalam na ng mga safety officers kung sinu-sino ang nakasalamuha ng mga doktor upang maisailalim sa quarantine ang mga ito.

Kaugnay nito, sinabi ni Abanilla na pinag-aaralan na nilang baguhin ang mga panuntunan sa pagtatalaga ng mga doktor sa frontline.

Aniya, hindi na dapat ilagay dito ang mga high-risk sa sakit, gaya ng mga may edad 60-taong gulang pataas, at may mga preexisting health condition.

Nauna rito ay namatay si Dr. Greg Macasaet, anesthesiologist sa Manila Doctors Hospital at Dr. Rose Pulido, oncologist ng San Juan de Dios Hospital.

Patuloy na umaapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging tapat sa pagbibigay ng kumpletong impormasyon kapag nagpakonsulta sa doktor.

“Isa lang naman panawagan natin sa community: Maaari lang po i-disclose niyo po ang complete information nyo. If you don’t disclose, ang malalagay naman sa peligro ay ang ating health workers,” diin ni Vergeire.

-Mary Ann Santiago