Maroons vs Archers sa volley meet

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

2:00 n.h. — UP vs La Salle (m)

4:00 n.h. — UP vs La Salle (w)

TARGET ng La Salle na makisosyo sa maagang liderato ng women’s division sa pagsagupa kontra University of the Philippines sa natatanging tapatan ngayong hapon sa UAAP Season 82 Volleyball Tournament sa MOA Arena.

Pinadapa ng rookie-laden squad ng Lady Spikers ang defending champion Ateneo sa una nilang laro nitong Sabado.

Sa pangunguna ni graduating hitter Tin Tiamzon, kabalikat ang sophomore na si Jolina de la Cruz, ginulat ng Lady Spikers ang Lady Eagles, 25-17, 17-25, 25-17, 25-15.

Nagpakitang gilas din sa nasabing panalo ang mga rookies na sina Thea Gagate, Leila Cruz at Baby Jane Sorreno na inaasahang muli nilang gsgawin ngayong hapon upang tulungan ang koponang makamit ang ikalawang dikit na panalo.

Tiwala sa kanyang mga players na makakaya nilang maitama ang mga nagagawang pagkakamali ang siyang susi sa kanilang panalo ayon kay coach Ramil de Jesus.

“Mga bata halos ang mga players namin kaya minsan nawawala pero nakakabalik din.Hindi madali para sa amin, pero sabi ko nga tiwala lang,” ani De Jesus.

Sa kabilang dako, sasakyan naman ng Lady Fighting Maroons ang naitalang panalo kontra University of the East para sa hangad din nilang back-to-back wins mstapos mabigo sa una nilang laro sa kamay ng Ateneo Lady Eagles.

Inaasahang mamumuno para sa tropa ni coach Godfrey Okumu sina Tots Carlos at Isa Molde na syang nanguna sa nakaraan nilang tagumpay kontra UE.

Mauuna rito sa men’s division, maghahangad namang makabawi sa nakaraan nilang kabiguan sa kay ng UE Red Warriors ang UP Fighting Maroons sa pagtutuos nila ng Green Spikers na hangad ding makabangon sa natamong pagkatalo sa kamay ng Ateneo sa una nilang laro.

-Marivic Awitan