Bautista, kumikig sa Olympic Qualifying tilt

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

NAGWAGI si Ian Clark Bautista sa pamamagitan ng split decision kontra kay Hayato Tsutsumi ng Japan na dating AIBA youth world champion, sa kasalukuyang labanan sa Asia Oceania Olympic Qualifying Tournament, na ginaganap sa Amman, Jordan.

Ang 2015 SEA Games gold medalist ay nanaig sa kanyang kalaban sa iskor na 3-2 upang makaakyat sa ikalawang ikot ng men’s featherweight division.

Kasunod na makakaharap ni Bautista ang kanyang nakalaban sa 2019 Southeast Asia Games na pambato ng Thailand na si Chatchi Budee na seeded sa ikatlong puwesto sa susunod na stage.

Kapwa agresibo ang ipinakitang lakas ng dalawang boksingero sa round 3 ngunit nabasa agad ni Bautista ang galaw ng kalaban na siyang nagbigay sa kanya ng panalo.

Bagama’t nakakuha ng ginto si Bautista sa 2015 SEA Games gold medalist ay bigo naman ito nang sumabak sa 2016 Olympics qualifying round matapos malaglag sa unang yugto pa lamang ng labanan.

Habang isinusulat ang balitang ito ay sumasabak naman ang world champion na si Nesthy Petecio kontra sa kanyang kalaban na Sri Lankan.

-Annie Abad