Pinoy boxers, asang makasungkit ng Olympic slots

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

MAGTATANGKA ang mga Filipino boxers na makasama nina gymnast Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena bilang kinatawan ng bansa sa darating na Tokyo 2020 Olympics sa gagawin nilang pagsabak sa 2020 Asia and Oceania boxing Olympic qualifying tournament na itutuloy na simula ngayong araw na ito hanggang Marso 11 sa Amman, Jordan.

Nakapaghanda ng karagdagang isang buwan ang mga Filipino boxers para sa continental qualifying tournament, na nauna ng kinansela at inilipat mula sa orihinal nitong venue sa China dahil sa coronavirus outbreak.

Mula sa kanilang training camp sa Bangkok, umalis noong Biyernes ang Philippine boxing team patungong Jordan.

Matapos magwagi ng pitong gold medals sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games, umaasa 10-man Philippine boxing team na malalagpasan nila ang 2-man boxing team nina Rogen Ladon at Charly Suarez noong nakaraang 2016 Rio Olympics.

Pinangungunahan ang koponan ni 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships at 2019 SEA Games featherweight gold medalist Nesthy Petecio.

Kasama din sa team si World Chamipionships silver medalist Eumir Marcial na maghahangad ng Olympic berth sa middleweight category (75kg).

Bukod kina Petecio at Marcial, kasama din sa magtatangkang makasungkit ng Olympic berths sina Rio de Janeiro Olympian Rogen Ladon at Carlo Paalam (52kg) James Palicte at Samuel Jeri Dela Cruz(63kg),Clark Bautista (57kg) at Marjon Pianar (69kg) sa men’s division at sina Irish Magno (51kg), at dating wushu fighter Hergie Bacyadan (69kg) sa women’s division.

-Marivic Awitan