PBA may sariling 3×3 event

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

MAY dalawang bagong koponan ang nagpahayag ng kanilang intensiyon na sumali sa isasagawang PBA 3×3 sa darating na ika-45 taon ng liga.

Nais lumahok ng Dunkin Donuts at Mighty Bond sa PBA 3×3 ayon kay Columbian team governor at league vice-chairman Bobby Rosales.

Ginawa ni Rosales ang paghahayag sa nakaraang press conference ng PBA para sa opening ng kanilang 45th season noong Martes na ginanap sa Conrad Hotel sa Pasay City.

Dahil dito, magkakaroon ng 14 na koponan ang 3×3 league kabilang na ang 12 regular na miyembro ng PBA.

“All the PBA teams will participate in the three-on-three but we will have two additional teams,” ani Rosales.

“Mighty Bond and Dunkin Donuts have expressed their intention to participate.”

Ayon kay Rosales, ang 14 na koponan ay hahatiin sa dalawang grupo na may tig-7 miyembro.

Mayroon ding kabuuang 42 elimination games at 14 na playoff games na lalaruin sa kabuuan ng bawat conference kung saan ang magwawagi ay makakatanggap ng salaping premyo.

Hindi na rin ani Rosales ang naunang planong draft para dito at wala ring ipatutupad na age limit.

Ang bawat team ay bubuuin ng apat hanggang anim na manlalaro na maaaring may dalawang Fil-foreigners.

Samantala, ayon naman kay Commissioner Willie Marcial, plano nyang simulan ang 3×3 league pagkatapos ng Holy Week o sa Abril.

Inaayos na ang mga kaukulang detalye ng PBA 3×3 at sabik na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na pinamumunuan ni Meralco governor Al Panlilio sa proyekto na may layuning mag qualify ang bansa at makalaro sa Olympics.

“During our planning in Milan, that was the bulk of the discussion. Of course the regular five-on-five calendars and the programs, lahat ‘yon napag-usapan. We did spend a lot of time on 3×3,”ani Panlilio.

“And we all agreed that hindi ‘to puwedeng sideshow to the five-on-five. That’s why the PBA really wants to make it a standalone program with the objective of how do we make the Olympics.”

-Marivic Awitan