Major sports event, nadale sa COVID19

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

WALANG major sports tournament na magaganap sa bansa – hangga’t mataas pa ang banta ng mapinsalang sakit na Corona Virus (COVID19).

Naselyuhan ang naturang desisyon ng katigan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang desisyon ng Philippine Sports Commission (PSC) na kanselahin muna ang ilang mga multi-sports event na nakatakdang ganapin sa bansa ngayong taon.

“The Philippine Sports Commission’s parallel declaration cancelling or suspending sports activities in order to mitigate the possible spread of the Novel Corona Virus in the country, is also shared by the POC,” pahayag ng POC president Abaraham “Bambol” Tolentino.

Aniya, mahalaga na unahin ang kaligtasan ng mga atleta at mga coaches sa ganitong sitwasyon upang masiguro na wala sa kanila ang maapektuhan ng nasabing virus.

“We must always put the safety of atheletes, coaches, officials and spectators at the very top of our priorities,” aniya.

Nanawagan din ang POC chief sa lahat ng National Sports Associations (NSAs) at sa iba pang grupo na may kaugnayan sa kanila na sundin na lamang muna kung anuman ang desisyon ngayon ng PSC hinggil sa nasabing isyu, at maghintay na lamang anunsiyo kung matutuloy o hindi ang mga nakanselang mga events.

Siniguro din ni Tolentino na suportado nila ang PSC sa mga desisyon na ipapatupad nito lalo na nga at ang kapakapanan ng mga atleta ang nakasalalay.

“The POC stands behind government in its precautionary measure in advising everyone to desist from organizing, participating or attending events where big crowds are expected,” aniya.

Kamakailan, ipinahayag ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pansamantalang pagpapatigil ng malalaking sports event sa bansa, kabilang ang hosting ng SEA Para Games bilang pagsunod na rin sa inilabas na desisyon ng Department of Health (DOH).

Magbabalik sa normal ang lahat kung babawiin ng DOH ang naturang health bulletin sa mga susunod na linggo.

-Annie Abad