Laurenti Dyogi, isa-isang sinagot ang mga paratang sa ABS-CBN

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

SUNUD-SUNOD ang post ng mga TV executives ng ABS-CBN tungkol sa mga taong gustong ipasara ang Kapamilya network at sa mga bintang na hindi naman totoo.

received_277306203245662

Isa na ang Production TV head na si Mr. Laurenti Dyogi na naglabas ng hinaing niya kung bakit wala pa ring schedule ng hearing sa Kongreso para pag-usapan ang nalalapit na pagtatapos ng prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, 2020 at para sagutin ang lahat ng ibinabatong isyu na walang katotohanan.

Ayon sa mahabang mensahe ni Mr. Dyogi sa kanyang Facebook page.

“Nakakalungkot isipin na may mga taong nagnanais mapasara ang isang kumpanya na nagsisilbi sa publiko sa loob ng 65 na taon. Mas mahaba pa sa ano mang administrasyon sa ating bansa.

“Di perpekto ang ABSCBN bilang isang kumpanya pero sa loob ng mahabang panahon pilit namin pinagbubuti ang aming serbisyo sa pagbibigay ng mga programa at balita, at sa pagtulong sa kapwa. Di man lahat tumatangkilik sa ABSCBN, marami pa rin kaming napapasaya, natutulungan at nabibigyan ng pagkakataon na mapabuti ang buhay, sa likod man o harap ng kamera.

“Ba’t daw di kami lumalaban? Mag rally at makibaka? Kasi bago namin maisip yon, kailangan muna unahing gawin ang pagbuo ng mga programa sa araw-araw, dahil yun ang obligasyon namin sa aming mga manunuod.

“Madaming binabatong isyu laban sa kumpanya. Mga isyung madali naman bigyan ng linaw kung pakikinggan lang na bukas ang isip at damdamin.

“Nais namin na sa tamang lugar at panahon makapaghain ng aming mga sagot sa anumang akusasyon sa kumpanya. Umaasa pa rin kaming mabigyan man lang ng pagkakataon pakapagpaliwanag sa Kongreso.

“Pero gusto ko nang magsabi ng saloobin hinggil sa ilang mga batikos.

“DI DAW NAGBABAYAD NG BUWIS. Ako bilang mamamayan at empleyado ng ABSCBN, malaking bahagi ng sahod ko ang napupunta sa gobyerno buwan-buwan. Bawat isang empleyado namin ay nagbabayad ng tamang buwis dahil ang kumpanya mismo namin ay nagbabayad ng tamang buwis. Walang utang ang ABS kasi kung meron ba’t walang reklamo ang BIR? Ba’t binigyan ng parangal na isa sa top taxpayer ng bansa?

“Pero sa reklamo ng BIR na ang mga POGO, 50 bilyong piso ang kulang na buwis, ba’t walang umaalma?

“PAG-AARI NG DAYUHAN. Sana alamin ng mabuti ang detalye ng PDRs bago manghusga dahil dumaan ito sa tamang proseso at aprobado ng SEC. Bakit ang mga POGO, di ba’t buong buo na pag aari ng mga dayuhan? Ba’t walang naririnig na reklamo? Bakit kung sino pa yung kababayan, syang ginigipit?

“Nakakalungkot na nauuwi tayo sa pagkakahiwa-hiwalay sa panahon na may panganib ng kalamidad at epedemya. Pero kailangan isantabi ang damdamin para makapagpatuloy sa pagsilbi sa mga kababayan sa loob at labas ng bansa.

“Pero higit sa lahat, nais kong magbigay ng taos pusong pasasalamat sa mga taong nagbibigay ng inspirasyon, suporta at lakas ng loob sa amin.

“Sa mga pagkakataong ito nararamdaman kong mas tumatapang at mas nagiging buo ang aming pamilya. At alam kong lilipas din ito sa takdang panahon!

#IstandwithABSCBN
#LabanKapamilya

Habang sinusulat namin ito ay parami nang parami ang sumusuporta sa ABS-CBN mula sa ibang network na iisa lang ang ibig sabihin, iisa ang ipinaglalaban ng lahat, Kapuso, Kapatid at Kapamilya tayong lahat.

-Reggee Bonoan