P7.73 trilyon, utang ng Pilipinas

Filed under PAGTANAW AT PANANAW Balita RSS RSS Feed

NAGING P7.73 trilyon na pala ang utang ng Pilipinas nitong 2019. Ayon sa report ng Bureau of the Treasury (BTr), tumaas nang anim na porsiyento ang kabuuang utang ng bansa nitong 2019 at naging P7.73 trilyon mula sa P7.293 trilyon noong 2018.

Ang pambansang gobyerno ay umutang sa domestic at external lenders upang ma-plug o matakpan ang inaasahang deficit ng pambansang budget. May nagtatanong kung magkano kaya ang utang ng bawat Pilipino kung ganito kalaki ang utang ng Pilipinas.

Ang industriya ng kape (coffee industry), lalo na ang nasa CALABARZON region, ay nahaharap sa “bitter years” bunsod ng pagsabog ng Taal Volcano na inaasahang magreresulta sa pagkalugi ng revenues o kita na aabot sa P2 bilyon.

Hindi umaasa ang Philippine Coffee Board Inc. na magkakaroon ng magandang ani ng kape sa Batangas at Cavite ngayong 2020 hanggang 2021. May 800 ektarya ng taniman ng kape ang labis na napinsala sa pagsabog ng Bulkang Taal kung kaya tatagal ng ilang taon bago muling magbunga ang mga puno. Punung-puno ng ashfall ang mga coffee tree at hindi halos makagulapay sa bigat ng abo.

Nasabi ko tuloy sa aking ex-GF na lagi kong kasama sa walk-jog tuwing umaga kung maaapektuhan nito ang presyo ng kape na iniinom namin pagkatapos ng jog-walk sa fast foods na pinupuntahan namin. Anyway, sa tumaas o hindi ang presyo ng kape, tuloy ang pagkakape namin tuwing umaga.

Dahil sa galit ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa pagkansela ng US government sa visa ng paborito niyang pulis at alyado na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, dating PNP chief na nagpatupad ng Operation: Tokhang na kumitil sa libu-libong suspected drug pushers at users, nais niyang ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at ng United States.

Gayunman, itinanggi ng Malacañang sa pamamagitan ni presidential spokesman Salvador Panelo na hindi ang kanselasyon ng US visa ni Bato ang dahilan ng planong pagbuwag sa VFA. Naniniwala ang mga observer na isang “knee-jerk” reaksiyon ang ginawang ito ni Mano Digong.

Maging sina Sens. Panfilo Lacson at Richard Gordon ay hindi kumporme sa pagbuwag sa VFA dahil ang higit na madedehado rito ay Pilipinas. Higit daw ang pakinabang at benepisyo ng ating bansa kung may VFA.

Samantala, pinagbawalan ni PRRD ang mga miyembro ng gabinete na magbiyahe sa US. Hindi sila puwedeng pumunta sa US maging official o personal man ang dahilan. Ang pagbabawal sa kanyang cabinet members na mag-travel sa Amerika ay indefinite o walang taning habang siya ang Pangulo.

May mga nagtatanong na kaya ba ng ating Pangulo na i-bully ang world bully sa katauhan ng United States? Sabi nila, higit na ang mapeperhuwisyo sa pakikipagkagalit ni PDu30 sa bansa ni Uncle Sam ay ang libu-libo o milyun-milyong Pilipino. Hanggang ngayon, mataas ang antas ng pagtitiwala ng mga Pinoy sa US kumpara sa China na kinakaibigan niya.

Bilang ganti sa pagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na nasa likod umano ng “wrongful detention” ni Sen. Leila de Lima, pinagbawalan niyang makapasok ang ilang US senators na mga awtor ng probisyon sa US national budget sa ilalim ng Global Magnitsky Act.

Well, may balak naman kayang pumunta ang naturang US senators sa Pilipinas kumpara sa hangarin ng government officials, senators at congressmen na magbakasyon sa Estados Unidos kapag bakason ang Kongreso o may laban si Manny Pacquiao sa Las Vegas?

-Bert de Guzman