Sikat na aktor, ayaw mag-guest sa programa ng TV host

Filed under Blind Item, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

TRULILI kaya na ayaw na ayaw ng sikat na aktor na mag-guest sa isang TV show dahil hindi niya gusto ang isa sa host?

Napakinggan naming pinag-uusapan ng ilang staff ng programa ang tungkol sa aktor habang nasa isang coffee shop kami malapit sa network kung saan naka-kontrata ang sikat na aktor kasama ang ka-love team niya.

Ang tsikang narinig namin, “si (sikat na aktor) sa tuwing pinapa-guest sa programa ni (TV host), umaayaw, busy daw siya, laging may dahilan. ‘Yun pala ayaw niya talaga kasi naiirita siya sa host.”

Mapagbiro raw kasi ang TV host sa lahat ng guests nito at hindi ito nagustuhan ng aktor dahil offensive. Nu’ng una ay dedma ang binata, pero sa tuwing magi-guest siya ay laging ganu’n ang biro sa kanya bagay na hindi na nito nagugustuhan.

Kaya pala kapag may project si aktor na kailangan nitong i-promote ay namumukod tanging sa programang kasama ang TV host siya wala at ang ka-loveteam lang niya ang pumapayag mag-guest.

Hmm, parang namumuro na ang TV host sa ilang artista na binibiro niya ng ganito, hindi kaya siya nakakahalata na kinaasaran na siya o keber naman niya dahil katwiran niya, ‘sikat’ siya?

Actually, hindi lang ang aktor ang naringgan namin ng ganito, may ilang aktres din na nagsabing tinitingnan sila mula ulo hanggang paa ng TV host at pati ang mga suot nilang alahas ay napapansin din at bibiruin sila na hindi maganda sa pakiramdam.

Well, siguro inintindihin na lang natin ang TV host baka kasi biro nga lang talaga para sa kanya at hindi niya alam na umo-OA na.

-Reggee Bonoan