SEAG champions, pararangalan ng PSA

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

TAMPOK na pararangalan ng Philippine Sportswriters Association sa gaganaping Annual Awards Night ang mga atletang nagwagi ng gintong medalya sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games.

Gaganapin ang Gabi ng Parangal sa unang linggo ng Marso sa Manila Hotel.

Itatampok sa taunang parangal na inihahandog ng Milo, Cignal TV at Philippine Sports Commission (PSC) ang paggawad sa Athlete of the Year honor na ibinibigay ng pinakamatandang media organization sa bansa sa pangunguna nng pangulong si Tito S. Talao ng Manila Bulletin.

Sa nakalipas na taon, ipinakita ng mga Filipino athletes ang kanilang husay mula sa Southeast Asia hanggang sa world stage.

Inangkin ng Team Philippines ang overall championship ng 30th Southeast Asian Games sa ikalawang pagkakataon sa 42 taon ng paglahok sa biennial meet.

Kinilala naman si Carlos Yulo bilang unang Filipino at gymnast mula sa Southeast Asia na nagwagi ng makasaysayang gold medal sa 49th Artistic Gymnastics World Championships sa Stuttgart, Germany.

Nakuha ni lady boxer Nesthy Petecio ang unang gold medal sa AIBA Women’s World Boxing Championships matapos dominahin ang featherweight division sa Ulan-Ude Russia.

Hinirang naman si Ernest John Obiena bilang unang Filipino na nag-qualify para sa 2020 Tokyo Olympics nang lampasan ang Olympic qualifying standard sa men’s pole vault sa paghahari sa isang torneo sa Chiara, Italy.

Pangungunahan nila ang iba pang awardee.