Buwitre ng lipunan?

Filed under SENTIDO KOMUN Balita RSS RSS Feed

MAAARING isang malaking kalabisan kung ang dagundong na likha ng pagputok ng Taal Volcano ay ihahambing sa mistulang dagundong din na likha naman ng face mask hoarding na sinasabing kagagawan ng ilang mapagsamantalang negosyante. Subalit ang dalawang magkahawig na situwasyon ay nagpapatunay na ang kalusugan ng mga biktima ng pagsabog ng bulkan ay nalagay sa panganib dahil sa pagtatago ng mga face mask na lubhang kailangan laban sa makapal na usok at ash fall.

Ang gayong sistema ng pagsasamantala ng ilang negosyante ay ipinanggagalaiti ng mismong Pangulong Duterte dahil marahil sa kanyang pagmamalasakit sa ating mga kababayang hanggang ngayon ay ginigiyagis ng matinding panganib; patuloy na lumilikas upang makaiwas sa mga nagbabagang putik mula sa sumabog na bulkan. Matindi ang babala na may kaakibat na pagbabanta ng Pangulo laban hindi lamang sa mga nagbebenta ng face mask kundi maging sa mga gumagawa o manufacturer ng naturang produkto na umano’y itinatago upang maipagbili sa mataas na halaga. Maliwanag na iyon ay pagbale-wala sa umiiral na suggested retail price (SRP).

Ang gayong nakadidismayang sistema ay hindi lamang ngayon natin nasasaksihan. Tuwing tayo ay ginigimbal ng mga kalamidad, laging naroon ang ilang negosyante na walang inaatupag kundi magtaas ng presyo ng kani-kanilang mga paninda. Kung bumabagyo at bumabaha, tiyak na tumataas ang halaga ng isda at gulay sa kapinsalaan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga nagdarahop sa buhay. Kung may kakulangan ng paninda na tulad ng bigas, naririyan naman ang mga price manipulator na nagtatakda ng dagdag na presyo sa mga bilihin.

Ganito rin ang estratehiya ng ilang kompanya ng petrolyo na walang habas sa pagtataas ng halaga ng kanilang mga produkto. Nagpapatulad sila ng katiting na price rollback subalit nagtatakda naman sila ng nakalululang price hike nang walang pagsasaalang-alang sa kalagayang pangkabuhayan ng sambayanan, lalo na ng mga namumuhay nang isang-kahig-isang-tuka, wika nga.

Walang nakahahadlang sa mga kompanya ng langis sa kanilang operasyon. Ibig sabihin, kahit na ang gobyerno ay hindi makakilos upang pansinin ang gayong makasariling sistema ng pagnenegosyo; pinangangalagaan sila ng kapangyarihan ng malupit na Oil Deregulation Law (ODL) na matagal na nating idinadaing upang pawalang-bisa.

Natitiyak ko na ang gayong nakagagalit na estratehiya ng pagnenegosyo ay hindi palalampasin ng Duterte administrasyon na determinado sa paglikha ng matatag at malinis na gobyerno; sa paglipol ng mga katiwalian at pagmamalabis ng sinuman, lalo na ang mga negosyante na maituturing na mga buwitre ng lipunan o vultures of society.

-Celo Lagmay