Boston at New Orleans, umariba sa labanan

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

BOSTON (AP) — Nagsalansan si Jayson Tatum ng 21 puntos, habang kumabig si Jaylen Brown ng 19 puntos para sandigan ang Boston Celtics sa 113-101 panalo kontra Chicago Bulls nitong Lunes (Martes sa Manila).

Nag-ambag si Enes Kanter ng 15 puntos at siyam na rebounds, habang tumipa si Kemba Walker ng 14 puntos at kumana si Marcus Smart ng 12 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Boston matapos matuldukan ang season-high three-game losing streak.

Nanguna si Zach LaVine sa Bulls na may 30 puntos, tampok ang kahanga-hangang dunk, habang nag-ambag si Thaddeus Young ng 17 puntos.

Naghabol ang Bulls sa 55-37 sa halftime, ngunit nakabalikwas sa 17-5 run sa loob ng apat na minuto sa second half.

Dalawang ulit na naibaba ng Chicago ang bentahe sa anim na puntos, huli’y 67-61 mula sa three-pointer ni Kris Dunn. Ngunit, tinapos ng Celtics ang third quarter sa 8-2 spurt para sa 83-71 bentahe.

THUNDER 117, WOLVES 104

Sa Minneapolis, naitala ni Shai Gilgeous-Alexander ang unang career triple-double – 20 puntos, career-high 20 rebound at 10 assist – sa panalo ng Oklahoma City Thunder kontra Minnesota Timberwolves.

Hataw din si Danilo Gallinari sa Thunder na may 30 puntos, tampok ang 11-for-12 sa free throw line.

Kumana si Naz Reid ng 20 puntos mula sa bench ng Minnesota, naglaro na wala ang star player na si Karl-Anthony Towns. Nag-ambag si Robert Covington ng 18 puntos.

Nag-ambag si Steven Adams ng 13 puntos, 11 rebounds at limang assist.

PELICANS 117, PISTONS 110 (OT)

Sa Detroit, naisalpak ni Lonzo Ball ang 17 puntos, tampok ang lima sa overtime para magapi ng New Orleans Pelicans ang Detroit Pistons.

Hindi pa rin naglalaro sa Pistons sina Blake Griffin (knee), Luke Kennard (knee) at Reggie Jackson (back), habang sideline sa Pelicans sina Brandon Ingram (knee), Jrue Holiday (elbow) at JJ Redick (hamstring) — gayundin sina Derrick Favors (hamstring) at Zion Williamson (knee).

Muka sa 16 puntos na paghahabol, nagawang maitabla ng Detroit ang iskor sa 100-all mula sa bank shot ni Derrick Rose may 30 segundo ang nalalabi. Sumablay si E’Twaun Moore sa magkasunod na pagtatangka sa short jumper para bigyan ng pagkakataon ang Detroit na makuhja ang panalo sa regulation may 14 segundo ang nalalabi. Ngunit, sumablay din ang tira ni Rose sa buzzer.

Sinimulan ng Pelicans ang overtime sa 9-2 run, tampok ang limang puntos mula kay Ball, habang nagtamo ng dalawang krusyal turnover si Rose.

Kumana sa New Orleans sina Jahlil Okafor na may 25 puntos at 14 rebounds, habang tumipa si Nicolo Melli ng 20 puntos at may 16 puntos si Moore.

Natamo ng Pistons ang ikatlong sunod na kabiguan at ika-12 sa huling 15 laro. Nanguna si Rose na may 23 puntis at walong assist, habang tumipa si Christian Wood ng 18 puntos at siyam na rebounds.

PACERS 101, SIXERS 95

Sa Indianapolis, hataw si T.J. Warren sa naiskor na 21 puntos at nabutata ang potensyal na three-pointer sa krusyal na sandali sa panalo ng Pacers kontra 76ers.

Nagapi ng Pacers ang 76ers ng dalawang ulit sa loob ng 14 araw. Kumubra si Malcolm Brogdon ng 21 puntos, pitong rebounds at siyam na assist.

Nanguna si Ben Simmons na may 24 puntos at 14 rebounds sa 76ers. Kumasa rin si Josh Richardson na may 23 puntos.