PH boxers, 10 tsansa sa SEAG gold medal

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

HINDI isa, bagkus 10 tsansa ang ibibigwas ng Philippine Boxing Team para sa minimithing gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games.

Kabuuang 10 Pinoy fighters ang sasabak sa finals matapos magwagi ang nalalabing lima sa kani-kanilang semifinal bout nitong Linggo sa PICC Forum Tent.

Kasunod ng kanilang impresibong tagumpay sa quarterfinals, nagsipagtala ng unanimous decision win sina lightweight Charly Suarez, flyweight Rogen Ladon at women’s flyweight Irish Magno.

Ginapi ng Olympian na si Suarez, 4-1 ang Vietnamese na si Dat Thanh Vu upang umusad sa gold medal round. Ginamit naman ni Ladon ang kanyang bilis para magapi si Mihamed Handureen Hamid ng Singapore, 4-1 sa kanilang semifinals bout.

Nauna rito, nagposte rin ng 4-1 na panalo si Magno kontra kay Jutamas Jitpong ng Thailand.

Nagsipagtala naman ng majority decision win sina SEA Games first timer women’s lightweight contender Riza Pasuit at men’s light welterweight James Palicte.

Tinalo ng 26-anyos na si Pasuit si Huswatan Hasanah ng Indonesia, 4-1 , habang pinataob naman ni Palicte , nakababatang kapatid ni 2-time world title contender Aston Palicte si

Atichai Phoemsap ng Thailand, 4-1, upang kumpletuhin ang 5-of-5 na panalo ng boxing team sa ika-4 na araw ng boxing event.

Sinamahan nilang lima ang lima pang Pinoy boxers na sasabak para sa gold kahapon habang isinasara ang pahinang ito na sina men’s middleweight Eumir Marcial, men’s light flyweight Carlo Paalam, women’s light flyweight Josie Gabuco gayundin sina women’s featherweight Nesthy Petecio at men’s welterweight Marjon Pianar na kapwa naka-draw ng bye sa semifinals.

-Marivic Awitan