Joem umaming hiwalay na kay Crisha Uy

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NAKALULUNGKOT n a pagkatapos nang walong taong relasyon nina Joem Bascon at vlogger girlfriend niyang si Crisha Uy na inakala naming mauuwi sa kasalan ay nauwi sa hiwalayan.

Tanda namin ilang taon na ang nakararaan na ang saya-saya ng aktor dahil sa wakas ay natagpuan na niya ang babaeng makakasama niya sa habambuhay at boto rin ang pamilya niya dahil super bait nga ni Crisha.

Nabanggit pa ni Joem na ang pagbabago niya sa pananamit at fresh looking ay impluwensiya ni Crisha dahil dati kasi ay hindi aware ang aktor sa mga sinusuot niya kapag dumadalo sa events at presscon.

Sobrang at home na rin si Crisha sa buong pamilya ni Joem at nakita namin ito nang panoorin namin ang pinost nito sa Youtube niyang nag-tour sila sa farm ng aktor.

Sa totoo lang, perfect combination sina Joem at Crisha na tinawag nila ang sarili nila bilang sina Dodong at Inday.

Ang cute rin ng condo nila na inilibot ni Crisha ang aming mga mata sa kabuuan ng kanilang love nest ni Joem at ikinuwento rin nito ang division of labor nila sa bahay.

Sa nakaraang grand mediacon ng pelikulang Culion na entry sa 2019 Metro Manila Film Festival ay talagang kinorner namin si Joem at inalam kung bakit nauwi sa wala ang walong taong relasyon.

“Oo nga, eh. Wala na,” malumanay na sabi ng aktor.

Dagdag nito, “may mga pinagdaanan kami, sinikap naman naming ayusin pero hindi naayos, so single ako ngayon.”

Inulit namin ang katagang single ka, “oo kasi nandoon ako sa prosesong inaayos ko muna ang sarili ko kung ano ang gusto ko at sa trabaho ko.”

Kaya namin ito inulit ay dahil may balitang nagkabalikan sina Joem at Meryll Soriano.

“Kami ni Me (tawag niya) hindi, magkaibigan kami, lumalabas kami kasama ang mga kaibigan namin kaya siguro nakikita kami, pero hindi kami, magkasama lang kami sa work dito sa Culion at sa Starla, pero wala talaga. Saka may mga next projects pa kaming pagsasamahan”diin ni Joem.

Muling sinabi ng aktor na hindi pa siya handang pumasok sa isang relasyon dahil fresh pa ang lahat at gusto muna niyang unahin ang sarili.

“Inaayos ko pa kasi ang sarili ko kaya hindi ko masasagot ‘yung tanong ninyo re Meryll, hindi pa ako ready. Gusto kong magkaroon muna ng time for myself, siguro ‘yung relasyon para sa sarili ko muna.

“Very private ako when it comes to my personal life, ngayon lang ako naging open tapos heto pa,” pilit ang ngiting sabi ni Joem.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit sila naghiwalay ni Crisha, “kung anuman ‘yun, puwedeng sa amin na lang dalawa siguro? Mahirap ‘yung pinagdadaanan namin. Kung anuman ‘yung napag-usapan namin, mahirap. We’re still talking pa naman, I tried to na maging okay.”

Samantala, dalawa ang entry ni Joem sa 2019 MMFF, ang Culion at ang Write About Love na parehong-pareho raw ang exposure niya.

“Nagpaalam naman ako na sasakay ako sa dalawang float, ‘yun ang conflict ko, pero sa gitna siguro lilipat ako, I’m so happy talaga na kasama ako sa dalawang pelikula,”sambit ni Joem.

Bukod kina Joem at Meryll ay kasama rin sa Culion sina Iza Calzado, Jasmin Curtis Smith, Suzette Ranillo, Mark Liwag, Simon Ibarra, Lee O’Brian, Joel Saracho, Mai Fanglayan, Nico Locco, Yam Mercado, Upeng Fernandez, Erlinda Villalobos, Mayen Estanero, Aaron Concepcion, Nikko Delos Santos, Rex Lantano, Jay Garcia, Elle Velasco, Jack Love Falcis, Tommy Roca, Ruth Alferez, Roven Alejandro, Raflesia Bravo, Luminita Gamboa, Jai Astor, Elisa Weber, DMS Boongaling, Marcus Dreeke, Jaepheth Cortez, with Earl Andrew Figueroa, and The Culion Kalinangan Ensemble, Mercedes Cabral produced nina Shandi Bacolod at Gillie Sing ng iOptions Ventures Corp.

-Reggee Bonoan