Jamie Lim, sumunod sa yapak ni Samboy

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

TUNAY na nananalaytay sa katauhan ni Jamie Christine Lim ang dugong kampeon.

HINDI napigilan ni Jamie Lim ang mapaluha sa labis na kasiyahan habang inaawit ang Pambansang Awit sa awarding ceremony ng kanyang tagumpay sa karate event. (RIO DELUVIO)

HINDI napigilan ni Jamie Lim ang mapaluha sa labis na kasiyahan habang inaawit ang Pambansang Awit sa awarding ceremony ng kanyang tagumpay sa karate event. (RIO DELUVIO)

Tulad ng ama na si basketball icon Avelino ‘Samboy’ Lim, nakapagbigay din ng karangalan bilang miyembro ng Team Philippines si Jamie nang gapiin ang Indonesian na si Georgia Zefanya Ceyco sa women’s +61kg kumite ng karatedo competition nitong Lunes sa 30th Southeast Asian Games sa World Trade Center.

Isang krusyal hit kay Ceyco sa huling tikada ng final round ang nagbigay kay Lim ng 2-1 panalo para sa gintong medalya.

Nauna rito, ginapi ni Lim si Aurdrey Japyus ng Malaysia, 7-3, sa quarterfinals bago dinomina si Thi Thao Bui ng Vietnam, 5-1, sa semifinals.

Ang panalo ni Lim ang ikalawang gold ng mga Filipino karatekas kasunod ni Junna Tsukii sa women’s -50 kg kumite.

Nagwagi naman ng bronze medal sina Ivan Christopher Agustin at Sharif Afif sa men’s division.

Tinalo ni Agustin si Htet Zaw Min ng Myanmar, 11-4, sa bronze medal match ng men’s -75 kg kumite habang nangibabaw si Afif sa men’s +75 kumite matapos gapiin si Visol Sreang, 5-0.

-Marivic Awitan