Jake at Kylie, enjoy muna sa relasyon

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NGAYONG Linggo , Disyembre 8 mapapanood ang The Haunted kapalit ng The Parasite Island na nagtapos nu’ng nakaraang linggo.

HAUNTED

Ang ganda ng line-up ng The Haunted na sina Jake Cuenca, Denise Laurel at Shaina Magdayao mula sa direksyon ni Manny Palo handog ng Dreamscape Entertainment.

Sa ginanap na mediacon ng bagong horror series ng ABS-CBN ay maraming pumuna sa magandang aura ngayon ni Jake dahil blooming at halatang in-love na hindi naman niya itinanggi dahil maganda raw ang relasyon nila ng beauty queen na si Kylie Versoza.

Hindi pa raw napag-uusapan nina Jake at Kylie ang kasal pero siyempre gusto niyang sila na ang makatuluyan niya dahil nasa dalaga ang lahat ng hinahanap niya sa gusto niyang makasama sa hahambuhay.

“Wala pa, pero ‘yung mga ganun’g plano, hindi na malayong tingnan ngayon. Pero siyempre, si Kylie, kaka-start lang ng career niya, so gusto kong ma-enjoy niya ‘yun.

Nakikita ko na very passionate siya about acting, about being an advocate for mental health, so gusto ko naman ma-enjoy niya ‘yun.

“So, no pressure. ‘Yun din naman ‘yung kung baga, sikreto kung ba’t masayang-masaya kami. Kasi, wala kaming pressure talaga,” pahayag ng aktor.

Nabanggit din ni Jake na lalabas sila ng bansa ni Kylie kasama ang pamilya nito pagkatapos ng Pasko.

“First time kong mag-cruise, tapos kasama rin ang family niya. Pero after Christmas na kasi I have to promote muna our movie Mission Unstapabol with bossing Vic (Sotto), tapos sasakay pa ng float. Christmas kami magkakasama ng family ko, then after ‘yung Asian cruise namin.”

Samantala, tungkol naman sa taping nina Jake, Shaina at Denise ng The Haunted ay hindi nila nararamdamang nagta-trabaho sila dahil pag walang ginagawa ay wala silang ginawa kundi magkuwentuhan dahil nga reunion nilang tatlo ito.

Si Jake ay nakasama si Shaina sa seryeng Kung Ako’y Iiwan Mo noong 2012 at si Denise naman ay sa Click noong nasa GMA 7 (1999) pa, nagsama naman ang dalawang aktres sa The Better Half, 2017.

Nang i-alok kay Jake ang The Haunted at binanggit si Shaina ang makakasama niya ay kaagad niyang inoohan kahit hindi pa niya alam ang kuwento ng horror series.

At mas lalo pa siyang nagalak nang malamang kasama rin si Denise na sobrang lalim ang pinagsamahan nila at piping saksi ang aktres sa mga pinagdaanan ng aktor sa buhay pag-ibig nito.

Anyway, abangan ang The Haunted dahil mananakot sila ngayong Pasko at Bagong Taon.

-Reggee Bonoan