Blu Girls, kampeon; Blu Boys, silat

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

NEW CLARK CITY — Naisalba ng Blu Girls ang malungkot na kabiguan ng men’s squad Blu Boy sa pagtatapos ng softball event ng 30th Southeast Asian Games nitong Sabado sa The Villages.

Nakopo ng Blu Girls ang ika-10 gintong medalya sa SEA Games nang walisin ang Indonesia, 8-0, sa finals.

“Of all the softball titles by the Blu Girls this is the easiest and the sweetest,” pahayag ni team manager Randy Dizer. “It’s because we played in our home court, that’s the biggest thing.”

Pinangunahan ang Blu Girls nina Cheska Altomonte, Garie Blando, Mary Ann Antoleh Hao, Ezra Jalandoni, Lyka Basa at Kikay Palma para masundan ang pamamayagyag ng Nationals sa biennial meet na nadomina nila noong 1979, 1981, 1987, 1991, 1997, 2005, 2007, 2011, at 2015.

Kinapos naman ang Blu Boys na nasilat ng Singapore, 1-6, sa gold medal match. Ito ang unang pagkakataon na natalo ang Philippines mula noong 1997 edition kung saan nabigo sila sa Indonesia.

-Marivic Awitan