Angel, bumisita sa Catarman para mamahagi ng tulong

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

ANG tindi talaga ni Angel Locsin! Kararating lang mula Japan nitong Disyembre 6 kung saan dumalo ng kasal nina Vhong at Winona Navarro, nag-extend para makapag-bakasyon sila ng fiancé niyang si Neil Arce at manood ng concert ng U2 ay lumipad naman papuntang Catarman (Northern/Eatern Samar) madaling araw ng Disyembre 7 para bisitahin at mamahagi ng tulong sa mga binagyo kamakailan.

(Photo Courtesy of Rosalie Juan Bantilo)

(Photo Courtesy of Rosalie Juan Bantilo)

Wala sa bansa ang aktres noong kasagsagan ng storm surge na Tisoy kung saan isa ang Samar sa sinalanta at kilala naman si Angel na ayaw niyang nakakabalita ng mga ganitong sakuna lalo’t malapit na ang Kapaskuhan.

May mga kaibigang taga-NGO si Angel na kasa-kasama niya kapag nagpupunta siya sa mga probinsya dahil wala naman siyang kakilalang taga-roon.

Kuwento ng i lang taong nakakasama sa grupo ng aktres, “Lagi niyang kasama yung isang friend niya, full-initiative naman ni Angel pero wala siyang alam masyado sa lugar kaya nagpasama siya. Kasama niya rin ‘yun dati sa Davao.”

Suntok sa buwan na baka sakaling sagutin ang tanong namin kung magkano ang budget ni Angel sa bawa’t probinsyang pinupuntahan niya para tumulong.

“Ayaw po niya pasabi, basta’t sapat lang po, ‘yung abot lang ng kaya niya,”sambit sa amin.

Humingi kami ng litrato pero ayaw kaming bigyan ng aming kausap dahil mahigpit daw itong ipinagbawal ni Angel, kaya nga hangga’t maari ay nagtatakip siya ng mukha para hindi siya makilala.

Kaso may mga netizen din ang matatalas ang mata at hindi nakakaligtas sa panginin nila ang aktres. As of this writing ay wala pa kaming nakikitang nagpo-post sa social media.

Sumakto talaga pangalang Angel dahil anghel siya sa mata ng lahat at Darna dahil simbilis ng kidlat ang ginagawa niyang pagtalima sa mga nangangailangan.

-REGGEE BONOAN