Team Philippines, rumemate na sa SEAG overall lead

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

PATULOY ang pamamayagpag ng atletang Pinoy sa iba’t ibang larangan para manatiling lider sa ikaapat na araw ng kompetisyon sa 30th Southeast Asian Games.

Matapos ang unang dalawang gold medals ni Agatha Wong, sunod na nanalo ng gold si 2018 Asian Games bronze medalist Divine Wally sa women’s 48 kg matapos talunin si Thi Chinh Nguyen ng Vietnam sa finals, 2-0.

Kasama niyang nagsipagwagi ng gold medal sina Jessie Aligaga (men’s 48kg), Arnel Mandal (52kg), Francisco Solis (56kg) at Clemente Tabugara Jr (men’s 65kg).

Nagdagdag naman si Fred Padua ng silver sa men’s 60kg event.

Sa kabuuan,nakapag-ambag ang wushu team ng 7 gold, 2 silver at 2 ding bronze medals sa kabuuang medal tally ng bansa sa ginaganap na biennial games.

Nalagpasan nila ang isang gold at isang silver na napanalunan nila noong 2017 Kuala Lumpur SEA Games na kapwa galing kay Wong.

Sa Rizal Memorial Sports Complex, tatlo pang medalya kabilang na ang isa pang gold medal ang idinagdag ng gymnasts ng bansa, sa pangunguna ni Caloy Yulo.

Dinomina ng 2019 World Champion sa floor exercise ang kompetisyon sa nasabing event makaraang makatipon ng iskor na 14.700 mula sa high difficulty score na 6.200 at solid execution score na 8.500.

Nagwagi rin si Yulo ng dalawang silver medals sa pommel horse at still rings.

Pumangalawa sya kay Fu Jie Tan ng Malaysia (13.967) sa pommel horse at kay Dang Nam ng Vietnam (13.867)sa still rings.

“Gusto ko pong magpasalamat sa kanila sa panunood nila at pagsuporta sa min.”

Samantala, bigo namang magwagi ang kanilang mga kakamping women’s gymnasts na sina Trina Onofre, Mya Wilson at Chloe Gatlabayan ng medalya.

Sa kasalukuyan, umani rin ang Team Philippines sa obstacle course para mahila ang hakot sa gintong medalya sa kabuuang 54, 34 silver at 18 bronze para sa kabuuang 106 medalya.

Nakabuntot sa malayo ang Vietnam (22-28-24/74), Malaysia (19-9-18/46), Indonesia (14-22-24/60), Singapore (10-9-15/35) at Thailand (8-14-20/42).

-Marivic Awitan at Annie Abad