Kontribusyon sa ekonomiya ng mga katutubo

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

MALAKI ang epekto sa paglago ng ekonomiya ng Northeastern Mindanao o ng Caraga region ang kontribusyon ng iba’t ibang katutubong tribo, pahayag ni Regional Director Mita Chuchi Gupana-Lim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Lunes.

Ang farm production mula sa iba’t ibang tribo sa rehiyon, na bahagi ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) PAMANA–IP CDD, ay nakadaragdag din sa pag-angat ng ekonomikal na aktibidad sa rehiyon.

Kabilang sa mga grupong ito ang mga Manobo, Mamanwa, Higaonon, Banwaon, at Mandaya.

Ang mga tribong nabanggit ay mula sa anim na ancestral domains na ginawaran ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT): ang CADT 089 – Veruela at Sta. Josefa; CADT 117 – La Paz at Loreto; CADT 078 – Rosario at Tagbina; CADT 134 – Kitcharao, Jabonga, at Santiago; and CADT 048 – Kitcharao, Alegria, Tubod, Claver, Bacuag, at Gigaquit.

Ilan umano sa grupong bahagi ng CADTs ang nakapaglalabas na ng mga agrikultural na produkto tulad mula sa mga plantasyon ng niyog at abaca.

Samantala, ang mga nabanggit na tribo sa pangunguna ng kanilang mga punino at mga lider ay nakilahok kamakailan sa ginanap na Indigenous Peoples Summit 2019.

Inorganisa ang one-day summit ng DSWD Field Office Caraga Region 13 na dinaluhan ng mga tribo ng Manobo, Mamanwa, Higaonon, Banwaon, at Mandaya.

Sa pahayag ni Director Lim, sinabi nitong nagsisilbi ring lunsaran ang programa para sa Kalahi-CIDSS program, sa pagpapaabot ng mga pagbabago at mga kaganapan, gayundin para sa mga komunidad ng IPs upang maitampok ang kanilang mga kontribusyon sa pagpapatupad ng programa ng PAMANA–IP CDD o ang Payapa at Masagang Pamayanan – Indigenous Peoples Community-Driven Development Project.

Aniya, mahalaga ang summit dahil nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga IPs na maipahayag ang kanilang mga suliranin at opinyon. Habang naitampok din sa proyekto ang epekto at kontribusyon ng mga katutubong komunidad.

Kasama ang iba pang sangkot na ahensiya, agad na naipahayag ang mga suliranin ng mga lumad, partikular sa implementasyon ng PAMANA-IP CDD at ng iba pang IP program sa kanilang mga komunidad, ayon kay Lim.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga lider o pinuno ng mga katutubong tribo sa DSWD para sa pagsasakatuparan ng nasabing programa lalo’t naipahayag nito ang kanilang mga suliranin sa edukasyon.

Tema ng IP summit ang “IP in Action: Strengthening Culture and Tradition by Building a Culture of Peace for Sustainable Development in Ancestral Domain Areas” na naisakatuparan katuwang ang National Commission for Indigenous Peoples, Office of the Presidential Adviser on Peace Process, at ang Department of the Interior and Local Government.

-Mike U. Crismundo