Duathlon, nag-ambag sa PH Team

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

SUBIC, Zambales— Walang humpay ang paghakot ng gintong medalya ng mga Pilipinong atleta sa pagpapatuloy ng ikalawang araw ng kompetisyon sa 30th Southeast Asian Games (SEAG).

Nag-ambag ng kanyang gintong medalya ang duathlete na si Monica Torres matapos siyang magreyna sa women’s finals ng duathlon competition na ginanap sa Subic Boardwalk dito, kahapon.

Nanaig si Torres sa kanyang 2:0844 segundo sa orasan sa likod ng pambato ng Thailand na si Pareeya Sonsem na tumapos ng 2:11.18 habang ikatlong puwesto naman ang tinapos ni Thi Phuong Thrin Nguyen ng Vietnam na tumapos ng 2:14.20 sa orasan.

“Ito po ay different kinf of feeling for me. ‘Yung sacrifices po in training. Lahat naman po ng athletes makakaranas n’yan, but especially po ‘yung today kasi it’s team Philippines po,” pahayag ni Torres.

Samantala, sa men’s team ay nakakuha naman ng silver medal si Joey delos Reyes sa likod ng pambato ng Indonesia na si Jauhari Johan na may 1:52.51 segundo na naglista ng ikalawang ginto ng nasabing bansa para sa naturang biennial meet.

Bagama’t dismayado, pinilit pa rin umano ni de los |Reyes na makauha ng ginto ngunit aminado siya na kinapos siya sa kalabang Indon sa mga huling bahagi ng labanan.

“Oo disappointed, kasi nasa homecourt na tayo pero hindi ko parin makuha, But at least nakakuha tayo ng silver,” ayon kay delos Reyes na may 1:54.05 sa orasan.

Pumuwesto sa ikatlo ang pambato ng Thailand na si Nattawut Srinate na may 1:55.50 sa orasan.

-Annie Abad