Cruz, kumikig sa Poker Super Series 12

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

BAHAGYANG lumihis ang suwerte kay Pinoy poker player Noli Cruz nang matalo sa huling hiritan sa heads-up finale ng Warm Up Event ng Manila Super Series 12 nitong Miyerkoles sa Okada.

Nagapi ni Fukotomi Sinya ng Japan ang pambato ng bansa na si Cruz tangan ang pocket 5 cards.

Kontrolado ni Cruz ang kanilang duwelo ni Shinya at umabot sa punto kung saan halos doble ang tangan niyang chips kumpara sa Hapones.

Nagkaroon ng tsansang tapusin ni Cruz ang laban matapos tamaan ang queen sa unang pagkakataon na tumulak si Shinya. Pero nauwi sa split ang laban dahil puro heart ang lumabas na community cards at kapwa ibang kulay ang mga hawak nilang baraha.

Matapos ang ilang hands, nabaligtad ang sitwasyon matapos maka-double up si Shinya hawak ang king-high card laban sa queen-high ni Cruz. Tuluyang tinapos ni Shinya ang laban hawak ang pocket five para makopo ang tropeo at ang top prize na P335,000. Nakapag-uwi naman ng P212,500 si Cruz sa kanyang unang sali sa Manila Super Series.

Umabot sa 337 ang sumali sa Warm Up Event at halos P1.8M ang ipinamigay na premyo. Nasa ikaapat na puwesto si Cruz matapos ang Day 1 sa likod nina Steven Chua, Frederick Cruz at Michael Manlapaz.

“It’s a tough tournament. Filipinos are very good poker players and I guess I’m lucky that I survived the final table with so many Filipino players in there,” ani Shinya.

Pitong Pinoy ang nakapasok sa final table pero kinapos ang numero unong pokre player ng Pilipinas na si Mike Takayama.

Si Chua pa rin ang chip leader papasok sa final table sa hawak na 985,000 chips habang umakyat naman sa ikalawa si Cruz sa hawak nitong 685,000.

Pinangunahan ni Cruz ang aksiyon sa final table para maagaw agad ang chip lead kay Chua. Si Shinya naman ay hindi masyadong gumagalaw at short stack na nang tumulak hawak ang pocket five laban sa pocket ace ng pumangatlong si Kim Michael Enriquez. Handa nang umalis sa lamesa si Shinya nang lumabas ang five sa river para maka-double up.

Sa sumunod na hand ay sinibak ni Cruz si Enriquez hawak ang pocket eight para mailatag ang duwelo nil ani Shinya.