Zero killings vs illegal drugs

Filed under PAGTANAW AT PANANAW Balita RSS RSS Feed

SA pag-upo ni Vice Pres. Leni Robredo bilang bagong drug czar sa anti-illegal drug campaign ng administrasyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, magiging iba ang estratehiya o taktika ng pagsugpo sa salot ng iligal na droga sa Pilipinas.

Inihayag ni Robredo sa publiko na papawiin niya ang kultura ng patayan sa paglaban sa illegal drugs sa bansa. Ang nais niya ay “zero killings” o hanggang maaari ay walang karahasan at pagpatay na gagawin ang mga pulis at tauhan ng Philippine Enforcement Drug Agency (PDEA).

Higit na nais ni VP Leni na hulihin na lang ang mga drug pusher at user, bigyan sila ng pagkakataon na magbago, ma-rehabilitate at magbalik sa normal na pamumuhay. Naniniwala si Robredo na ngayon ay co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), kasama si PDEA director general Aaron Aquino, na hindi solusyon ang maramihang pagpatay sa mga ordinaryong tulak at adik gayong nakalalaya at nakapagnenegosyo naman ang drug lords, big-time shabu smugglers at suppliers.

Nangako si Robredo na isusulong niya nang buong sigasig at higpit ang drug war ni PRRD, subalit ang paglaban sa illegal drugs ay hindi dapat na tampukan ng maramihang pagpatay. Noon, kalimitang ikinakatwiran ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na napatay nila ang pushers at users dahil nanlaban daw.

Pahayag ni beautiful Leni, na may maganda at maayang mukha: “Ang pagpatay ay hindi bahagi ng aming plano dahil ito ay labas sa rule of law. Ito ang aking direktiba”. Ginawa niya ito sa pagtanggap sa alok ng Pangulo na pamunuan ang giyera sa iligal na droga na batay sa rekord, halos anim na libo na ang napapatay ng mga pulis mula noong 2016.

Dagdag ng biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo: “Ang mensahe ko sa kanila ay maliwanag: ang giyera sa illegal drugs ay magpapatuloy na kasing-sidhi ng dati at kasing-lakas ng dati.” Ayon sa kanya, kailangan ang maraming resources at panahon sa pagtugis sa malalakiing isda ng droga sa Pilipinas.

“But the killings, whether big-time (traffickers) or small fry, that is not part of the deal,” bigay diin ng Bise Presidente. Tinanggap niya ang alok at hamon ng Pangulo noong Miyerkules bilang co-chairperson ng ICAD hanggang sa pagtatapos ng kanilang termino sa 2022.

Ayon kay VP Leni, na dating human rights lawyer bago pumalaot sa politika, ang tagumpay ng anti-drug policy ng administrasyon ay hindi nakasalalay sa dami ng napatay sa buy-bust operations. “Babaguhin natin ang metrics. Hindi ito ang sukatan sa bilang ng mga taong napatay. Ang ating metrics ay sa bilang ng mga tao na bumuti o napabuti ang buhay.”

Makikipagkita siya sa Pangulo (habang sinusulat kot ito) at liliwanagin ang kanyang tungkulin, ang lawak at puwersa nito. Hindi rin siya nangangamba ang ang ibinigay na puwesto sa kanya ni PRRD ay “non-existent.”

“For me, the position is not important. Actually, that was part of the discussion, whether I should accept or not, there were many who were questioning the legality of my appointment because I was designated to a non-existent position.”

“Ang mahalaga sa akin ay ang trabaho. Muli, dalawa at kalahating taon–900 plus days–ang nalalabi pa sa 2022. Ang problema natin ay nananatiling malaki. Huwag na tayong magtalo pa sa ibang mga bagay, sa halip magsama tayo sa pagtatrabaho. We should make this campaign successful,” matatag na pahayag ni Robredo.

-Bert de Guzman