Pagsisiguro sa kakayahan ng PH textile sa merkado

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

HINDI mawawala ang habi o textile na gawa sa Pilipinas sa lokal at global na merkado, pahayag ng mga opisyal ng Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) at ng Great Women Philippines, Inc. (GWPI) nitong Miyerkules.

Magkatuwang na inilunsad ng dalawang ahensiya kamakailan, kasama ang Iloilo Science and Technology University at ang lokal na pamahalaan ng Miagao, Iloilo, ang Regional Yarn Production and Innovation Center (RYPIC), nagbibigay ng oportunidad sa mga maghahabi ng Miagao.

Sa isang panayam nitong Biyernes, sinabi ni DOST-PTRI director Celia Elumba na may demand sa mga habi na gawa sa bansa, partikular ang mga gawa sa locally-grown raw materials.

Aniya, ang mga Pilipino rito sa bansa at sa abroad ang pangunahing merkado ng habi na gawa ng mga lokal na maghahabi

“We have a wide opportunity, in the domestic alone, if we can dress 10 percent (of the population), that would be fantastic. But aside from that, we look at Asean (Association of Southeast Asian Nations), which has 622 million (population),”aniya.

Dagdag pa ni Elumba, may “preferential trade agreement” ang Pilipinas sa Japan, ngunit dahil sa kakulangan ng materyales sa paglalaban ng mga habi hindi nito matugunan ang economic partnership.

Ang kakulangan sa mga lokal na materyales ang isa sa nakikitang pagsubok para sa katulad din na kasunduan sa Europa, anila.

“We are abundant when it comes to opportunities, but we need to go after the supply,”aniya.

Ayon pa kay Elumba, kasalukuyang may 300 spindles ang RYPIC sa bayan ng Miagao para sa pagpoproseso. Habang may kabuuang 200,000 spindle sa bansa.

Samantala, sinuportahan naman ni GWPI president Jeannie Javelosa ang pahayag ni Elumba, para sa malawak na merkado ng Philippine-made textiles sa ASEAN at Europe.

Ikinikonsidera rin ni Javelosa ang north Europe bilang “real market” lalo’t pinahahalagahan sa bahaging ito ang mga hand-woven, artisan-created textiles at women-made product.

Aniya, ang paggamit ng mga lokal na materyales ay malaking tulong para sa Philippine-made textile na makipagkompetisyon sa iba pang bansa na nagsusuplay ng habi o textile sa Southeast Asia.

“If we go into the market in Asean, we have to be strong with the blends, of the cotton, piña, maguey,”giit niya.

Dagdag pa niya, maraming komunidad na naghahabi sa bansa ang tinutulungan ng GWPI upang maging market-driven.

Ang GWPI ay isang proyekto ng Philippine Commission on Women upang mapalakas ang mga kababaihan sa ekonomikal na aspekto, at pagbibigay suporta sa disenyo ng produkto at merkado.

PNA