‘Natutulog’ na kaso, prayoridad ni Peralta

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Pinakamatinding hamon ang kinakaharap ngayon ng liderato ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta dahil sa patung-patong na kasong patuloy na nadaragdagan araw-araw.

QUESTION HOUR Humarap si Chief Justice Diosdado Peralta sa mga mamamahayag sa una nitong pulong balitaan sa Korte Suprema, kahapon.  (ALI VICOY)

QUESTION HOUR Humarap si Chief Justice Diosdado Peralta sa mga mamamahayag sa una nitong pulong balitaan sa Korte Suprema, kahapon.
(ALI VICOY)

Sa isang pulong balitaan, inilahad ni Peralta ang daan-daan libong kaso na nakasampa sa mga hukuman.

Sa datos ng Korte Suprema noong 2018, nasa 8,852 na nakabimbing kaso sa Kataas-taasang Hukuman; 19,732 sa Court of Appeals; 5,237 sa Sandiganbayan; 1,353 sa Court of Tax Appeals; 546,182 sa regional trial courts; at 160,153 sa mga first level courts.

Tiniyak naman ng punong mahistrado na prayoridad niya ang ma-eliminate ang napakalaking bilang ng mga natutulog na asunto.

Kaugnay nito, sinabi ni Peralta na magiging regular ang pagsasagawa ng inventory ng mga kaso at pakikilusin ang SC en banc upang alamin kung ano ang humahadlang sa sistema.

Ipamomonitor din aniya ang mga korte kung nasusunod ang itinakdang panahon o reglementary period sa paglutas ng mga asunto, hindi lamang upang matiyak na tinutupad ang obligasyon na tinatakda sa Konstitusyon, kundi upang mabigyan ng parangal at pabuya ang mga maayos na magpatupad ng hustisya.

-Beth Camia