Aquino, ‘di pa lusot sa ‘Mamasapano’

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Hindi pa lusot si dating Pangulong Benigno Aquino III sa kontrobersyal na Mamasapano case kahit iniurong na ng Office of the Ombudsman ang graft at usurpation cases laban sa kanya.

Ito ay matapos magtungo sa nasabing anti-graft agency ang mga opisyal ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), kasama si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director at incumbent Baguio City Mayor Benjamin Magalong at pamilya ng 44 nasawing miyembro ng Special Action Force (SAF), upang buhayin ang kasong kriminal laban sa dating Pangulo ng bansa.

Naghain ang mga ito ng Motion to Reopen Investigation sa kaso laban kay Aquino.

Dahil dito, posibleng maharap si Aquino sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide.

Sa nasabing mosyon, hiniling ng abogado ng mga naulila ng SAF 44 kay Ombudsman Samuel Martires na ituloy nito ang imbestigasyon sa kasong homicide laban sa dating punong ehekutibo.

“We are respectfully urging the Ombudsman to reopen the investigation of the above-captioned case against former President Benigno C. Aquino III for the deaths of the SAF 44.

In addition to the evidence already on record, we are attaching herein a copy of the Affidavit of…Magalong, as evidence to support the filing of a case for the crime Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide under Article 365 of the Revised Penal Code against the former President,” ayon pa sa abogado ng mga ito.

Noong Hulyo 1, 2016, isinampa ng VACC ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide laban kina Aquino, dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima at dating PNP- Special Action Force (PNP-SAF) director Getulio Napeñas, Jr., kaugnay ng pumalpak na Oplan Exodus na nagresulta sa pagkakasawi ng 44 SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero 24, 2015.

-CZARINA NICOLE ONG KI