Beermen, liyamado sa Batang Pier

Filed under Balita, Basketball, Sports Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

4:30 n.h. — Blackwater vs Rain or Shine

7:00 n.g. — San Miguel vs Northport

SOLONG ikalawang puwesto ang pupuntiryahin ng San Miguel Beer sa pagsabak nila sa tampok na laro ngayong gabi ng 2019 PBA Governors Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

KULATA: Balewala ang depensang inilatag ng Columbian Dyip laban kay ‘The Krakken’ Junmar Fajardo ng San Miguel sa isang tagpo ng kanilang laro sa PBA Governor’s Cup. (RIO DELUVIO)

KULATA: Balewala ang depensang inilatag ng Columbian Dyip laban kay ‘The Krakken’ Junmar Fajardo ng San Miguel sa isang tagpo ng kanilang laro sa PBA Governor’s Cup. (RIO DELUVIO)

Nakatakdang harapin ng San Miguel ang koponan ng Northport ganap na 7:00 ng gabi kasunod ng unang laban sa pagitan ng Blackwater at Rain or Shine ganap na 4:30 ng hapon.

Manggagaling ang Beermen sa 113-107 na paggapi sa Columbian Dyip nitong nakalipas na Linggo na nagbalik sa kanila sa win column makaraang putulin ng Barangay Ginebra ang nasimulan nilang four-game winning streak nitong Oktubre 13.

Sa panig ng Batang Pier, asam nilang makapagtala ng back-to-back win kasunod ng 80-70 na panalo nila noong nakaraang Oktubre 12 kontra Phoenix upang tumaas mula sa kasalukuyang kinalalagyang 6th spot kasalo ng Blackwater hawak ang 2-6 marka.

Mauuna rito, kapwa galing sa talo,magkukumahog at mag-uunahang makapagtala ng panalo ang Elite at Elasto Painters.

Sisikapin ng Elite na makabangon sa natamong 97-106 na kabiguan sa kamay ng Meralco nitong Biyernes, habang pipilitin ng Elasto Painters na umahon sa kinahulugang four-game losing skid pinakahuli sa kamay ng Alaska, 71-78, nitong Oktubre 13.

Marivic Awitan