Napakalaki ng problema ni Cong. Velasco

Filed under BULONG AT SIGAW Balita RSS RSS Feed

MAY malaking problema na ngayon itong si Cong. Lord Velasco. Siya sana ang pangunahing kalaban ni Speaker Alan Cayetano sa pagka-speaker nang ang House of the Representatives ay nasa estado ng pag-oorganisa. Mabigat siyang contender para sa nasabing posisyon.

Naiulat na ang kanyang lakas ay nagbubuhat sa suportang ibinigay sa kanya ni Mayor Sara Duterte ng Davao City na anak ni Pangulong Duterte. Pero, ang ipinahiwatig ni Cayetano ay taglay niya ang basbas ng Pangulo. Bakit nga naman hindi, eh siya ang pangalawang pangulo ni Duterte nang tumakbo sila noong nakaraang presidential elections. Nang matalo siya, hinirang ng Pangulo na Department of Foreign Affairs Secretary. Kaya, sa halip na kumandidatong muli sa pagka-senador tumakbo na siya bilang Kongresista ng Taguig nitong nakaraang halalan. Nakapagpaubaya pa sa kanyang kapatid na si Pia Cayetano.

Kaya, kahit masama sa panlasa ang ginawa niya at ng kanyang maybahay, tumakbo siyang Kongresista. Pinaghatian nilang magasawa ang dalawang distrito ng Taguig. Upang mapalabas na siya ay residente ng ikalawang distrito, pinalabas nilang mag-asawa na hiwalay ang kanilang tirahan. Kaya, nga nagsampa ng protesta ang nakalaban ni Speaker Cayetano at may malaking rally ang naganap sa Taguig laban sa kanyang pagkapanalo pagkatapos ng halalan. Saan ka naman kasi nakakita na ang siyudad na may dalawang distrito ay mag-asawa ang Kongresista. Sabay silang tumakbo nitong nakaraang halalan na magkahiwalay ang kanilang family home upang mapalabas na kwalipikado ang isa sa distritong tinakbuhan niya.

Nasabi ko na malaki ang problema ni Cong. Velasco dahil sa pakikialam na rin ng Pangulo, nakipagsundo siya kay Cayetano ng term-sharing sa speakership. Inupuan na ni Cayetano ang kalahati ng tatlong taon nilang termino at si Velasco ang susunod sa kanya sa nalalabi pang bahagi nito. Ang problema, maingay na ang ugong na maaaring ituloy na at tapusin ni Cayetano ang buong termino na labag sa term-sharing nito kay Velasco. Maaaring ang ingay ay nanggagaling sa mga kaalyado ni Cayetano. Bunsod ito ng malaking approval rating na natanggap ni Cayetano sa taumbayan, ayon sa SWS at Pulse Asia survey. Ang nakakaintriga ay ang reaksyon nito sa ingay na dumating sa kanya na magpatuloy na siyang Speaker. Wika niya: “Igagalang ko ang aming napagkasunduan. Mga ilang buwan bago matapos ang aking panahon ay makikipag-usap ako sa Pangulo para hingin ang kanyang payo.”

Bakit pa siya hihingi ng payo? Hindi ba kapag matino kang tutupad sa kasunduan, kapag sumapit na ang panahon para gawin ito ay gawin mo na? Wala nang kuskos-balungos. Kung kakausapin mo ang Pangulo, hindi para humingi ng payo kundi magpaalam ka na nang walang kondisyon. Kung masyado nang malakas si Cayetano sa mga Kongresista at umayon ang Pangulo sa kagustuhan nilang manatili itong Speaker, walang magagawa si Velasco. Kasalanan niya dahil pinauna niya si Cayetano. Eh napakagaling nitong magmaneobra. Tignan ninyo ang Taguig, silang mag-asawa ang nasa Kongreso dahil ginawa nilang dalawa ang kanilang family home.

-Ric Valmonte