St. Clare, asam ang NAASCU title

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

 

BINUHOS ng defending champion Saint Clare College of Caloocan ang huling 17 puntos upang pabagsakin ang naghahamon na Enderun Colleges, 83-71, sa pagsimula ng serye ng best-of-three nitong Miyerkoles para sa kampeonato ng Seniors Basketball ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Caloocan Sports Complex.

Target ng Saints na tapusin ang serye ngayon sa Game 2 ng kampeonato sa Jesus Christ Saves Global Outreach sa Cubao para maiuwi ang ika-apat na sunod na kampeonato simula 1:00 ng hapon.

Maganda sana ang takbo ng laro para sa Titans, pumangalawa sa Saints noong nakaraang taon, at lamang sila ng lima papasok sa huling 3:30, 71-66. Naibuslo ni Jan Dominic Formento ang ika-limang tres at nagising sa Saint Clare para bumaha ng puntos ng 14 pang puntos habang hindi na nakapalag ang biglang lumamig na Titans.

Nanguna para sa Saints si Mohamed Pare na may 19 puntos, 16 rebound at tatlong tapal. Gumawa rin si Formento ng 19 puntos habang pinasok ni Joseph Penaredondo ang siyam ng kanyang 17 puntos sa pagbulusok ng Saints sa huling quarter at may dagdag na siyam na rebound.

Sa aksyon sa kampeonato ng Juniors Division, ginulat muli ng Arandia College ang defending champion Junior Saints, 83-65, upang patunayin na hindi tsamba ang tagumpay nilang 81-75 sa overtime noong elimination round. Nagsama para sa 21 puntos sina Rey Ed Ygot at Francis Tiamson sa ikatlong quarter upang ilapit ang Rhinos sa kanilang unang kampeonato sa tatlong taong paglahok sa liga.

Pinasok ni Ygot ang limang tres para sa 25 puntos at 10 rebound at umabot hanggang 21 ang kanilang lamang noong huling quarter, 70-49. Nag-ambag ng 19 puntos at walong assist si Tiamson.

Samantala sa panig ng kababaihan, isang mainit na simula ay naging sapat para iligpit ng defending champion Enderun Lady Titans ang Our Lady of Fatima University, 80-58. Gaya ng Saint Clare sa Seniors, nais din ng Enderun na makamit ang ika-apat na sunod na kampeonato at manatiling reyna sa lahat ng apat nilang taon sa NAASCU.

Gumawa agad ng 10 puntos si Abigail Manzanares sa unang quarter pa lang, higit pa sa siyam ng buong Lady Phoenix at hindi na lumingon pa ang Lady Titans, 20-9. Nagtapos si Manzanares na may 22 puntos, anim na rebound, tatlong assist at tatlong agaw at sinuportahan siya ni point guard Mary Grace Calang na may 18 puntos, anim na rebound, limang assist at tatlong agaw.

Mga laro Ngayon

(JCSGO Seed Dome, Cubao)

10:00 n.u. — Our Lady of Fatima vs Enderun (W)

11:30 n.u. — Saint Clare vs Arandia (Jrs)

1:00 n.h. — Saint Clare vs Enderun (Srs)