POC nadagdagan ng 6 NSAs

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Anim na national sports association (NSA) ang pinakabagong regular members ng Philippine Olympic Committee (POC), ayon kay POC President Bambol Tolentino.

Isiniwalat ni Tolentino sa board meeting ng POC na ang mga bagong regular members ay ang NSAs ng modern pentathlon at surfing, na kasama sa Olympic program, at sambo, kurash, bridge at jujitsu, na kasama sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin Nob. 30 hanggang Dis. 11 sa ibat-ibang venue sa Metro Manila, Capas sa Tarlac at major cities sa Central at Southern Tagalog.

Ang naturang apat na sports ay kasama sa 2018 Asian Games sa Indonesia.

Sinabi ni Tolentino na ngayong regular members na ang anim na NSAs, mabibiyayaan sila ng financial support mula sa Philippine Sports Commission (PSC).

Dati nang tumatanggap ng suporta ang mga naturang sports mula sa PSC, ngunit hindi ito on a regular basis dahil associate members lang sila.

“They have all complied with the constitutional requirements,” ani Tolentino, na namumuno sa NSAs ng cycling at chess, at may major stake din sa kickboxing.

Mayroon nang 50 voting members ang POC na magkakaroon ng eleksiyon sa Nobyembre 2020.

Naging POC president si Tolentino, na congressman din ng Tagaytay City, nang biglang magbitiw si Ricky Vargas noong Hunyo.

Tinalo ni Tolentino si athletics chief Philip Juico sa isang special election.

-Nick Giongco