May transport crisis nga ba?

Filed under BOY COMMUTE Balita RSS RSS Feed

PATOK ngayon sa mga headline ang katagang “transportation crisis.”

Sa mga pahayagan, sa radyo, sa telebisyon, pinaguusapan ang pansamantalang suspensiyon ng operasyon sa isang bahagi ng Light Rail Transit (LRT) 2 habang nagdarasal ang mga commuter na hindi tumirik ang Metro Rail Transit (MRT).

Ito ay dalawang mass transport system na tinatangkilik ng aabot sa isang milyong pasahero kada araw kung ipagsasama ang full capacity ng dalawang tren.

Habang nakukumahog ang mga opisyal ng dalawang train system na ito, nag-viral naman sa social media ang pagdurusa ng mga pasahero sa paghanap ng alternatibong masasakyan.

Upang maibsan ang kanilang kalbaryo, nag-alok ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Angkas motorcycle taxi ng libreng sakay.

Oo nga’t may tulong ang mga ito, subalit ang tanong: Sapat ba ito upang matugunan ang pangangailan ng mga commuter?

Viral sa social media ang isang eksena kung saan ang mga pasahero ay namataang sumasampa sa isang bus sa pamamagitan ng paglambitin sa bintana nito upang makapasok makakuha ng mauupan sa loob ng sasakyan.

Nagmistulang mga uod na pumapasok sa isang butas ang kinahinatnan ng mga pobreng pasahero na nagmamadaling makapasok sa trabaho.

Sa kabila nito, ito naman ang nakakikilabot na pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo. “Sa tingin ko, wala namang umiiral na transport crisis dahil nakararating naman ang ating mga commuter ng sasakyan at nakararating pa rin sa kanilang destinasyon,” ani Panelo.

He he he! Pagpaumanhin nyo at maging sa sarili ko, hindi rin mapigil na matawa sa kanyang pahayag.

Ang tigas naman ng mukha mo, Atty. Panelo!

Hindi ba insulto itong pahayag mo sa mga commuter na nagdurusa tuwing rush hour na makahanap ng masasakyan?

Bakit hindi mo subukan mag-commute na walang bodyguard at aide de camp at maranasan mo ang pagdurusa ng ating mga kababayan?

Subukan mong huwag munang sumakay sa luxury SUV mo at sa halip, tangkilikin ang LRT o MRT papunta sa Malacañang.

Baka hindi mo kayanin, Atty. Panelo, at hindi ka umabot ng humihinga sa iyong opisina.

At baka sa inyong pagdating sa Malacañang ay gutay-gutay na ang iyong mamahaling business suit.

Ito ang aming payo sa magiting na tagapagsalit ng Pangulong Rodrigo Duterte: Kung hindi ka rin man makatutulong sa sitwasyon, kung maari ay manahimik ka na lang.

Dahil sa tuwing ikaw ay magbibitiw ng pahayag tungkol sa mga problema ng bayan ay tila ginagalit mo lang ang publiko.

Atty. Panelo, please shut up!

-Aris Ilagan