Boxing team, training kahit Pasko, Bagong Taon

Filed under Boxing, Sports Balita RSS RSS Feed

Training, at hindi regalo at pagkain, ang aatupagin ngayong Pasko at Bagong Taon ng mga piling miyembro ng national boxing team na naghahanda para sa Olympic qualifying matches.

Balak ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (Abap) na pag-ensayuhin ang team sa Baguio City sa pag-asang mas maraming Pinoy boxer ang makakapasok sa 2020 Tokyo Olympics.

“We’ve been discussing about this matter and it is very likely that they won’t be spending the holidays with their loved ones,” paliwanag ni national team coach Pat Gaspi kahapon.

Ang Olympic qualifying para sa Asia-Pacific region ay gaganapin Peb. 3-14 sa Wuhan, China, kaya naniniwala si Gaspi na dapat walang break sa ensayo ng mga boxer.

“The (Asia-Pacific) qualifiers is going to be held early and we can’t afford to miss out on this opportunity to qualify,” aniya.

Pagkatapos ng Southeast Asian Games sa Pilipinas Nob. 30-Dis. 11 bibigyan ng Abap ang boxing team ng short break.

Lahat ng miyembro ay dapat magreport sa training camp bago mag- Christmas, sabi ni Gaspi.

Sa tantya ng Abap, hindi bababa sa anim na boxer ang lulusot sa Wuhan qualifying.

May continental qualifying events din sa unang apat na buwan ng 2020 sa Argentina para sa Americas, England para sa Europe, at Senegal para sa Africa.

Ang huling chance na makatungtong sa ring sa Tokyo Olympics ay ang World Qualification sa Paris sa Mayo.

Aarangkada ang Tokyo Olympics sa Agosto 2020.

Noong 2016, sina lightfly Rogen Ladon at lightweight Charly Suarez lang ang nag-qualify para sa Rio Olympics, pero maaga silang na-eliminate.

Kasama sa kasalukuyang Olympic aspirants sina fly Carlo Paalam at 2019 world championships middleweight silver medalist Eumir Marcial.

Hindi pa nananalo ng gold ang Pilipinas sa 100 taon na pagsali na nito sa Olympics.

Ang boxing ay nagbigay ng dalawa sa tatlong Olympic silver medal.

-Nick Giongco