Land titles para sa 766 magsasaka ng Dinagat Island

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

NASA kabuuang 1,067.5005 ektarya ng agrikultural na lupain ang nakatakdang ipamahagi sa mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Dinagat Islands, pagbabahagi ng Department of Agrarian Reform sa Caraga Region (DAR-Caraga).

Sinabi ni DAR-Caraga Director Leomides R. Villareal , na nasa 766 magsasaka ang makatatanggap ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa isang seremonya na idaraos ngayong Miyerkules, Oktober 9 sa bayan ng San Jose, Dinagat Islands.

Inaasahan namang pangungunahan ni DAR Secretary John R. Castriciones kasama ang ipang opisyal ng DAR ang pamamahagi ng CLOAs, pagbabahagi pa ni Villareal.

Sa datos na ibinahagi ng DAR-Surigao del Norte Provincial Office, nakasaad na nasa 1,067.5005 ektarya ng lupain ang ipamamahagi na inaasahang sasakop sa pitong bayan sa probinsiya, kabilang ang Libjo, Dinagat, San Jose, Cagdianao, Basilisa, Tubajon at Loreto.

Sa pitong bayan, ang Libjo ang may pinakamalaking bahagi na ipapamahagi na may sakop na 604.4122 ektarya kung saan nasa 387 magsasaka ang makatatanggap ng titulo ng lupa habang ang bayan ng Tubajon na may 249.3078 ektarya ay maipapamahagi sa 196 magsasaka.

Ayon kay Villareal ang nasabing aktibidad sa Dinagat Islands ay bahagi ng serye ng pamamahagi ng lupa na pinangunahan ng DAR-Caraga Region, mula pa noong nakaraang taon.

Kabilang sa mga malalaking aktibidad ng pamamahagi ang naging aktibidad noong Nobyembre, land distribution sa Surigao del Sur ngayong unang bahagi ng taon, at ang Mindanao-wide CLOA distribution sa Davao City noong nakaraang taon na dinaluhan ni Pangulong Duterte.

Sa paglalabas ng Executive Order 75 ngayong Pebrero ng taon, sinabi ni Villareal na tututok ang DAR-Caraga sa pamamahagi ng lupa na mainam para sa pagsasaka.

Bukod naman sa CLOA distribution, makatatanggap din ang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa Dinagat Islands ng mga makinarya pangsaka.

Ayon kayDAR- Surigao del Norte Provincial Agrarian Reform Officer Maria Elizabeth de Guzman, kabilang sa mga makinaryang ipamamahagi ang mga traktora, turtles o kilala bilang bao-bao, at mga rice threshers.

PNA