Lyceum at Baste, hihirit sa NCAA

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

 

MAS patatagin ang kapit sa ikalawa at ikatlong posisyon sa team standings ang tatangkain ng Lyceum of the Philippines University at San Sebastian College sa pagsalang nila sa magkahiwalay na laro ngayong hapon sa NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.

Unang lalaro ang Pirates na muling haharapin ang College of St.Benilde Blazers sa pangalawang laro ganap na 2:00 ng hapon kasunod ang Stags na makakatunggali naman ang Letran Knights sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon.

Kasalukuyang nasa ikalawa at ikatlong puwesto ang LPU at ang SSC sa team standings taglay ang 8-3 at 7-3, panalo-talong kartada ayon sa pagkakasunod sa likod ng nangunguna at wala pang talong San Beda University (11-0).

Magtatangka ang Lyceum na muling manaig kontra St.Benilde na nauna na nilang tinalo noong Agosto 16 sa iskor na 74-71.

Parehas galing sa kabiguan sa nakaraan nilang laban ngayong second round, ang Blazers sa kamay ng Stags, 67-83 at ang Pirates sa kamay ng Perpetual Help Altas, 69- 74, kung kaya’t inaasahang magiging mahigpit ang salpukan ng dalawang koponan sa pag-uunahan nilang makabalik ng winning track.

Mauuna rito, magtutuos naman ang cellar dweller na Emilio Aguinaldo College (1-10) at ang Mapua University (4-6) ganap na 12:00 ng tanghali.

Tatangkain ng Cardinals na makaulit kontra Generals na tinalo nila noong Agosto 13, 76-66 upang palakasin ang tsansa nilang umabot ng susunod na round.

Sa huling laro, sisikapin naman ng Knights (7-4) na makabawi sa kanilang double overtime na kabiguan sa Stags noong unang round upang maagaw dito ang third spot.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

12:00 n.h. — EAC vs Mapua (m)

2:00 n.h. — Lyceum vs St.Benilde (m)

4:00 n.h. — Letran vs San Sebastian (m)