San Beda Red Lions, angat sa Season 95

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

 

IKATLONG sunod na panalo sa second round na magpapatatag pang lalo ng kapit nila sa ibabaw ng team standings ang pupuntiryahin ng undefeated pa ring San Beda University sa muli nilang pagsalang ngayong hapon sa NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.

Ganap na 2:00 ng hapon, sasagupain ng Red Lions ang Jose Rizal University Heavy Bombers para sa unang salpukan bago ang tapatan ng season host Arellano University at University of Perpetual Help sa ika-4:00 ng hapon.

Magtatangka ang Red Lions na hatakin sa 12 ang naitala nilang 11- game winning run sa pamamagitan ng pag-ulit sa 74-52 paggapi nila sa Heavy Bombers noong Hulyo 12

Sa kabilang dako, sisikapin naman ng JRU na makabawi sa nasabing pagkatalo upang palakasin pa ang kanilang tsansa na makahabol sa top 4.

Taglay sa kasalukuyan ang markang 4-7 sa kinalalagyang pampitong posisyon sa standings, malaking hamon para sa Heavy Bombers kung paanong pipigilin ang Red Lions sa pangunguna ng mga leading MVP candidates na sina Calvin Oftana, Evan Nelle, James Canlas at Donald Tankoua.

Kapwa naman nasa alanganing posisyon kasama ng Emilio Aguinaldo College sa bottom 3 ng team standings, magkukumahog kapwa ang Chiefs (3-7) at Altas(2-9)upang hindi malaglag sa buntot.

Inaasahang mas matinding salpukan ang mamamagitan sa dalawang koponan kumpara sa nauna nilang pagtatagpo noong unang round kung saan nanaig ang Altas, 75-73.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

2 n.h. — San Beda vs. JRU(m)

4 n.h. — Arellano vs.Perpetual (m)