Sasakit ang panga sa ‘Panti Sisters’

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Sa trailer palang ng Panti Sisters ay tawang-tawa na kami kaya expected namin na talagang sasakit ang panga namin sa katatawa kapag napanood na namin ang buong pelikula.’

panti

Oo nga, hindi binigo ni Direk Jun Robles Lana ang mga nanood ng Panti Sisters sa ginanap na premiere night nito sa SM Megamall Cinema 7 nitong Martes at maging ang tatlong bidang sina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario at Christian Bables ay hindi nagpakabog sa isa’t isa.

Ang ganda ng batuhan ng linya ng Panti Sisters na sa tingin namin ay adlib na ang iba. At higit sa lahat, walang gustong magpatalo pagdating sa ganda, pero aminado sina Paolo at Christian na si Martin ang pinaka-maganda sa kanilang tatlo.

Iisa ang ina nina Paolo at Martin, si Carmi Martin samantalang si Christian ay kay Rosanna Roces at ang tatay nila ay si John Arcilla na hindi matanggap na tatlong bakla ang anak kaya hinamon niya na kung sino ang makakapagbigay ng apo sa kanya ay may mana ng P300M.

Mukhang pera si Rosanna kaya panay ang tulak kay Christian na mag-anak na nangyari naman sa kaibigang si Via Antonio pero sa kasamaang palad ay nalaglag ito at hindi na naulit.

Nu’ng una ay hindi matanggap nina Paolo at Martin na may kapatid sila sa labas pero sa dulo ay tinanggap na nila. Ipinakita sa pelikula na maski na sino at ano ka pa ay nanaig pa rin ang blood is thicker than water kaya happy na silang tatlo.

At kaaway nila ang tatay nila na naghahangad lang naman pala ng pagmamahal mula sa kanila at marinig na tawagin siyang ‘papa.’

In fairness, swak ang mag-inang karakter nina Osang at Christian dahil magkamukha nga talaga sila lalo na sa ilong. Sino kaya nakaisip nito, perfect.

Masaya ang kabuuan ng pelikula, may drama scenes pero tatawa ka pa rin kaya sakto ito sa mga may problema kung gusto mong makalimot sandali, watch mo na ang Panti Sisters mula sa Idea First Company, Quantum Films at Black Sheep simula ngayong araw, Biyernes, Setyembre 13 na nakikiisa sa pagdiriwang ng Pista ng Pelikulang Pilipino 2019 at Sine Sandaan handog ng Film Development Council of the Philippines.

-REGGEE BONOAN