‘Cuddle Weather’ nina Sue at RK, nakabibitin?

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Parehong mainstream actors sina Sue Ramirez at RK Bagatsing kaya hindi sila puwedeng mag all-the-way sa pelikulang Cuddle Weather na gumaganap bilang mga prostitute.

Sa titulong Cuddle Weather ay ipinakita na kahit prosti ang trabaho ay may mga damdamin din sila at kadalasan ay gusto nila ng masasandalang kaibigan o kayakap at dito nag tagpo ang karakter nina Ram at Adela.

Kumikita sila ng malaking pera sa kandungan ng iba’t ibang kostumer pero hanggang kailan nila gagawin iyon? Hindi ba sila mapapagod sa ginagawa nila at magsasawa dahil wala namang pagmamahal silang nararamdaman.

Kaya pala sabi ni Sue sa grand mediacon ng Cuddle Weather ay, “nakakapagod ang sex, mas gusto ko ang yakap lang.”

Bread-winner si RK kaya kailangan niyang magbenta ng laman gabi-gabi para makapagbigay sa pamilyang nasa probinsya at makabayad ng bills sa unit na kasama niya si Sue. Ang dalaga naman ay naghahanap ng pagmamahal at naguguluhan sa sarili dahil isa ring prostitute pala dati ang inang si Aleck Bovick.

May naka-live in si Sue, si Mark Anthony Fernandez na minahal siya ng todo at binigyan ng condo pero may pamilya kaya iniwan din siya at binabalik-balikan kapag nakakaramdam ng init ng katawan pero tratong pokpok dahil binabayaran siya pagkatapos.

Hindi ito matanggap ni Sue kaya nang dumating sa buhay niya si RK at dama nitong mahal siya ng binata ay nag-plano silang magbagong buhay at tigilan na ang trabaho nila.

Sa love scene ay ingat na ingat si RK kay Sue at makikita rin ito sa mga shot ni Direk Rod Marmol kaya medyo bitin, pero maganda ang pagkakagawa. Maraming makaka-relate sa kuwento ng Cuddle Weather dahil totoong nangyayari naman ito sa matagal na panahon.

Simula ngayong araw, Biyernes, Setyembre 13 ay mapapanood na ang Cuddle Weather produced ng Regal Films at Project 8 corner San Joaquin Projects entry sa Pista ng Pelilkulang Pilipino 2019 kasabay sa selebrasyon ng Sine Sandaan.

-Reggee Bonoan