Black Mamba, humirit sa D-League

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

NAKALAPIT ang Black Mamba sa inaasam na playoff slot matapos gapiin ang Hyperwash, 91-83, kahapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Pinamunuan ni Bobby Balucanag ang Energy Drink sa ipinoste nitong 21 puntos mula sa perpektong 10-of-10 field goal shooting bukod pa sa 9 na rebounds.

Sinundan naman siya ni Jett Vidal na nagtala ng 14 puntos, 4 rebounds, at 3 assists, Kim Medina na may 13 puntos, at PJ Barua na may 12 puntos upang tulungang iangat ang as Black Mamba sa 3-1 kartada.

“Sabi ko nga, we’ll try to win this game to be close sa playoff spot. At 3-1, I think we’re safe already,” pahayag ni coach Vis Valencia matapos nilang umakyat sa ikatlong puwesto sa Group B.

Mula sa tatlong puntos na kalamangan sa iskor na 79-76, kumamada ang Black Mamba ng 12-5 blitz, upang gawing double digit ang bentahe, 91-81, may 1:17 na lamang ang nalalabing oras sa laro.

Nanguna para sa natalong Vipers na bumagsak sa markang 2-3 si Lord Casajeros ma may 17 puntos.

-Marivic Awitan