Mahiwaga pa rin

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

HANGGANG ngayon, makaraan ang mahigit na tatlong dekada, nakakintal pa rin sa aking utak ang hindi mamatay-matay na katanungan:

Sino nga ba ang utak ng karumal-dumal na pagpaslang kay Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr.? Hanggang ngayon, gusto kong maniwala na nababalot pa rin ng hiwaga ang nakakikilabot na pagpatay sa Senador. Totoo, kabi-kabila ang mga sapantaha at pananaw hinggil sa malagim na trahedya na gumimbal hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong daigdig.

Sa paniwala na ang naturang mga pag-uusisa ay mananatiling sumasagi sa memorya ng sambayanan, nais ko na lamang gunitain ang makabuluhan at kanais-nais na mga eksena sa aming pakikihalubilo kay Ninoy nang siya ay nabubuhay pa. Kapuwa kami naglingkod sa Manila Times Publishing bilang mga mamamahayag; naglingkod din siya bilang Channel 5 correspondent – makatuturang misyon na nagtanghal sa kanya bilang pinakabatang reporter noong Korean war.

Noong siya naman ay mahalal na Senador, nakagawian na ni Ninoy na mananghalian sa Japanese eatery, kasama ang ilang miyembro ng editorial staff ng Manila Times, Daily Mirror at Taliba. Noon ang kauna-unahang pagkakataon na ako ay nakatikim ng mga pagkaing Hapon na tulad ng sashimi, kaagi-agi at iba pang putahe. Palibhasa’y lumaki sa bukid, itinuring isang golden moment ang naturang okasyon. Paminsan-minsan ding nagyayaya si Ninoy sa kanilang tahanan sa Times Street, Diliman, Quezon City upang mag-kape.

Isa pang eksena na hindi ko malilimutan nang kapanayamin namin si Ninoy sa isang mini-stage sa Fort Bonifacio nang siya ay nakakulong; katakut-takot na asunto ang isinampa sa kanya ng Marcos regime. Kaugnay ng isyung ito ang naging paksa ng naturang press conference na sinasabing nagpasiklab sa damdamin ng ilang sektor ng sambayanan. Gayunman, naging makabuluhang aktibidad naman ito na kaakibat ng malayang pamamahayag.

Anuman ang lumulutang na mga haka-haka at espekulasyon hinggil sa trahedyang kinasadlakan ni Ninoy, tanggapin na lamang natin na ito ay magiging bahagi ng malagim na kasaysayang pampulitika ng ating bansa

-Celo Lagmay