Dennis Padilla, binalaan si Gerald

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

TINANONG kaagad kay Dennis Padilla ang tungkol sa isyu ng anak na si Julia Barretto sa simula palang ng #SSSMediacon nitong Martes sa Music Hall, Metrowalk Pasig City.

Cast ng 'Sanggano, Sanggago't Sangwapo'

Sangkot kasi ang dalaga sa hiwalayang Gerald Anderson at Bea Alonso at sinasabing ang aktres ang dahilan.

Ang co-actors ni Dennis na sina Andrew E at Janno Gibbs sa pelikulang Sanggano, Sanggago’t Sangwapo ang unang sumagot sa tanong. Idinaan ng dalawa sa biro ang tugon at sina Jerald Napoles at Julian Trono raw talaga ang pinag-uusapan, na dinugtungan naman ng tatay ni Julia ng, “hindi matanggap na nagkatuluyan pala.”

Nagkatawanan ang lahat at kasunod nito ay nagkuwento na si Dennis. “Siyempre ‘pag anak mo, ang una mong gagawin, proteskyunan, so ang sabi ko sa kanya (Julia), ‘wag ka na munang mag-social media. Pahinga ka na muna sa social media. Mas maganda magbakasyon ka na muna.

“Sabi ko nga sa kanya (Julia), kung wala ka pa namang shooting or hindi naman siya gaanong busy lumayo ka na muna sa social media. Hintayin mo na lang mag-die down kung anuman ‘yung isyu. So, ‘yun lang, ‘yun huling nasabi ko kay Julia.”

Si Dennis daw ang nag-text kay Gerald, “nagtext ako tapos tumawag siya at nagka-usap kami at ni-remind ko lang sa kanya na, ‘pare, anak ko ‘yan!’ So, ‘yun lang, siguro naman alam na niya ‘yun kasi lalaki sa lalaki naman.”

Saka inamin ni Gerald na nanliligaw siya sa aktres.

Nagbiro ulit si Andrew E na ginulpi ni Dennis si Gerald, pero biro ring sabi ng ama ng dalaga, “hindi ako puwede ro’n, eh. May military training siya. Nakita ko, eh. Mayroon siyang military training. Nakita ko sa social media, nakabitin pa siyang gano’n.”

Dahil umamin si Gerald na nanliligaw siya kay Julia kaya lalo silang na-bash ng netizens, kasi may “unfinished business” pa siya sa ex-girlfriend niyang si Bea.

Panay naman ang pigil ng Viva staff na huwag nang magtanong ng tungkol sa isyu nina Gerald at Julia kay Dennis dahil presscon ito ng Sanggano, Sanggago’t Sangwapo pero hindi pa rin nagpapapigil ang ilang entertainment press.

Pagkatapos nga ng presscon ay nagsabi si Dennis na pupunta siya ng men’s room pero sinundan siya ng press.

Ani Dennis, “Ready naman ako sumagot, kaya lang malalayo sa promo ng pelikula. Kaya puro general lang mga sagot ko.”

Hindi naman daw binalaan ni Dennis si Gerald, “Wala. Naiintindihan naman niya. Sabi niya, ‘O, Tito, siyempre anak n’yo ‘yon.”

Ito ang sagot daw ni Gerald sa sinabi ni Dennis na, ‘pare anak ko ‘yan.’

Boto na si Dennis kay Gerald, “Ang akin lang, basta huwag maagrabyado ‘yung anak ko.”

Diretsong katwiran pa ng ama ng aktres, “Kasi ang tingin ng tao sa kanya, e, playboy. Basta ang importante lang sa ‘kin, ‘yung kapakanan ng aking anak.”

Hindi naman nasagot ni Dennis kung napag-usapan ba nila ni Julia si Gerald.

Going back to sa pelikulang Sanggano, Sanggago’t Sangwapo ay inamin ng nina Andrew E at Dennis na dahil kay Janno kaya sila may pelikula ngayon. Sila raw kasi ang ini-suggest ng huli na makasama sa pelikula nang pumirma ito ng kontrata sa Viva Artist Agency bilang contract star.

Nagkataon na ang suhestiyon ni boss Vic del Rosario sa pelikulang gagawin nila ay kung ano ‘yung usong comedy noon, back old-school comedy, ika nga, kaya mas lalong natuwa ang tatlong bida dahil ito naman talaga ang forte nila na may kanya-kanyang hit movies noong araw.

Sakto rin na si Al Tantay ang direktor na naging parte ng sitcom na Goin’ Bananas na tumagal ng apat na taon sa ABS-CBN, 1987-1991. Bukod pa sa IBC 13, 1986-1987.

Aminado rin silang marami silang adlib pero inihingi nila ito ng permiso kay Direk Al bilang respeto.

“Sabi kasi ni Direk Al, alam niyang lahat kami ay maraming ideas at welcome sa kanya lahat. Ang sabi lang niya gusto niyang mabasa at lahat naman pumasa,” sabi ng Sanggano, Sanggago’t Sangwapo actors.

At nakakatuwa dahil binigyan sila ni boss Vic ng magaganda at batang leading ladies na puwede na nilang maging anak sa pangunguna ni Louise de los Reyes, Cindy Miranda at Vanessa Wright.

Mapapanood ang Sanggano, Sanggago’t Sangwapo sa Setyembre 4, produced ng Viva Films.

-REGGEE BONOAN