Young actress, ‘walang galang’ sa co-stars

Filed under Blind Item, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

MARAMING senior stars ang dismayado sa batang aktres na may magandang mukha dahil wala raw respeto sa lahat ng katrabaho nito sa isang programa.

Nakatsikahan namin ang premyadong aktres at nabanggit niya ang naranasan niya tungkol sa batang aktres. Sabi namin kaagad baka nanibago o na-starstruck kasi mga sikat ang kasama sa show.

“Hindi, wala siyang galang, binati na namin ni (kapwa premyadong aktres). Ask mo ano ugali,” sabi sa amin.

Nag-abot daw ang kausap naming premyadong aktres at ang batang aktres sa isang show na pareho silang guest at nginitian daw ng una ang huli pero poker face lang.

“Ngumiti na ako ‘di ba, so siguro dapat sinuklian na niya ‘yung pagngiti ko, tapos nagpakilala ako isip ko kasi hindi niya ako kilala, alam mo sagot, tumango lang, ang ganda ‘di ba? Hindi naman ako nagmamaganda, pansin ko lang talaga na may mga youngstars na feeling na,” detalyadong kuwento ng premyadong aktres.

‘Yung isang premyadong aktres ay naka-trabaho ng batang aktres na may magandang mukha ay talagang gigil na gigil daw at ayaw na niyang makasama pa.

“Biro nga ni (premyadong aktres) ‘pag nalaman niyang kasama siya (batang aktres), hindi niya tatanggapin ang project, “sabi ng aming kausap.

Hala, may bagong project pa naman ang batang aktres na may magandang mukha at maraming artista ang kailangan bilang support at imposibleng hindi alukin ang dalawang premyadong aktres dahil isa sila sa paborito ng TV network.

Sabi pa ng kausap naming premyadong aktres, “paborito kasi siya ng management kaya feeling mataas. Mali ‘yun, dapat umpisa palang pinagsasabihan na.”

May experience na rin kami sa batang aktres na ito at totoo nga, hindi ito nakakakilala kahit ilang beses na siyang ipinakilala sa amin kapag may presscon.

Naku, pag ganyan hindi siya sisikat kahit pa maganda ang ibibigay sa kanyang projects.

-Reggee Bonoan