Turista at manggagawang mananakop?

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

SAMPUNG oras pagkatapos bombahin ng sandatahang lakas ng Japan ang base militar ng Estados Unidos sa Pearl Harbor Hawaii, sinimulan din sakupin ang Pilipinas noong Disyembre 8, 1941, nang binomba ang Davao City. Palagay ninyo, kara-karaka lang kaya inangkas ng Kahariang Hapon ang ating bansa sa gera ng mga higante? O matagal na talaga nilang pakay ang ating bayan sa maraming taon, pagpupulong, pondahan, at buong paghahanda at hindi lang ilang buwan, bagkus ilang taon? Kung simpleng bakasyon nga ng pamilya pinag-iisipan at pinaplanuhan, ano pa kaya ang pananakop ng isang bansa sa malayong karagatan.

Tuloy, nagugunita natin ang mga kwento ng matatanda bago pa dumating ang digmaan sa ating baybayin. ‘Di ba may mga nakikita o kilala ang ating mga lolo at lola na mga tindahang Hapon, mga naglalako sa lansangan o kahit turistang Hapones. Bakit kaya sila dumami at nagkataon na nandito sa Pilipinas?

Nang pumutok ang gera, aba’y militar pala ang mga sakang. Kuno tindero, mamumuhunan o biyahero, aba’y tiktik pala na mananakop ng ating bayan. Sa pagdaong ng kabuuang puwersa ng Hapon, Disyembre 10 sa ilalim ni Heneral Masaharu Homma, nagpalit ng gayak ang dating mababait na kakilala at lumantad bilang mga opisyal ng Japan. Ang tanong – hindi pa ba tayo natuto? Hindi pa ba tayo naaalarma sa dumadaming Intsik na dayo sa ating paligid? Mga mula Mainland China? Tantiya ninyo, ‘yang sigalot sa West Philippine Sea, walang koneksyon sa pag-bulaga ng mga kunwari, turista o manggagawang Intsik sa tabi-tabi? Hoy, nandito na ang People’s Liberation Army ng Beijing! Ang China hindi lumawak ng ganun-ganun kung hindi nang-agaw, o nagnasa na mang-angkin ng 23 bansa o teritoryo. Ang talaan: Manchuria 1945, bansang Tibet 1950, India 1962 sa Ailsal Chin at Arunachal Pradesh, nanambang sa mga Russian Border Guards 1962, Vietnam 1979, Mongolia, Nepal, North Korea Baekdon Mountain at Jiandao, Taiwan, buong South Korea, Cambodia, Burma, Japan Senkaku Island, Kazakstan, Kyrgyzstan, Laos, East Turkmenistan, at Pilipinas— na lalawigan daw nila.

-Erik Espina