CEU Scorpions, asam ang liderato

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

MAKAMIT ang ikatlong sunod nilang panalo para sa solong pamumuno sa Group A ang pupuntiryahin ng Centro Escolar University sa pagsalang ngayon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nakatakdang sagupain ng Scorpions na kasalukuyang kasalo ng Marinerong Pilipino sa liderato ng kanilang grupo hawak ang markang 2-0, panalo-talo ang AMA Online Education sa ikalawang laro ganap na 3:30 ng hapon.

Mauuna rito, magtutuos sa unang salpukan ganap na 1:30 ng hapon ang Black Mamba at Technological Institute of the Philippines.

Kukompletuhin naman ng tapatan ng mga baguhang iWalk at Naitalk-Savio ang nakatakdang triple bill sa kanilang paghaharap sa tampok na laban ganap na 5:30 ng hapon.

Huling tinalo ng CEU para sa ikalawang dikit nilang panalo ang Naitalk noong nakaraang Agosto 8 sa iskor na 107-46 at sa parehas ding petsa nalasap naman ng makaddkatunggali nilang AMA ang ikalawa nitong talo sa kamay ng Marinero, 82-91.

Sa unang salpukan, target naman ng Black Mamba na dumikit sa namumunong BRT Basilan-St.Clare sa Group B sa pagsagupa nila sa TIP Engineers na kababalik pa lamang sa winner’s circle matapos padapain ang Italiano Homme,133-98 sa nakaraan nilang laban.

Samantala sa huling laban, back-to-back win din gaya ng Black Mamba (1-0) at TIP (3-1) ang target ng iWalk Chargers (1-1) sa pagharap nito sa Nailtalk Savio na hangad namang makamit ang unang panalo pagkaraang mabigo sa unang tatlo nilang laro.

Kasalukuyang may barahang 3-1, kung magwawagi ang TIP ay sigurado ng pasok sila sa susunod na round.

“We’re already looking ahead. Right now 3-1 kami, so I think we have one foot in the door already sa playoffs. We want to prepare for the playoffs already as early as now,” wika ni Engineers coach Potit De Vera.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

Ynares Sports Arena, Pasig
1:30 n.h. — Black Mamba vs TIP
3:30 n.h. — AMA vs CEU
5:30 n.h. — iWalk
vs Nailtalk-Savio