2 ‘Salisi Gang,’ timbog sa NAIA

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Dahil sa maagap na aksiyon ng mga awtoridad, dalawang umano’y miyembro ng Salisi Gang ang nabigong makapambiktima ng isang babaeng travel agent sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Pasay City.

Sa ulat ngayong araw, isinailalim na sa inquest proceedings sa Pasay Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa Article 308 o Theft, Unjust Vexation, and Resistance and Disobendience to a Person, ang mga suspek na sina Rodolfo Rosauro Anto Jr., 46, ng Cabuyao, Laguna, at Elena Aquia Elera, 43, ng Muntinlupa City.

Ayon sa ulat, nasa paliparan ang biktimang si Cheryl Perez, nasa hustong gulang, isang travel agent, upang hintayin ang pagdating ng ilang turistang Japanese, nang bigla siyang lapitan at kausapin ng dalawang suspek, nitong Sabado ng gabi.

Habang kinukuha ng dalawang suspek ang atensiyon ng biktima, may dalawang iba pa umanong kasabwat ang nagtangkang kuhanin ang brown pouch sa loob ng bag ng biktima.

Dito nagsisigaw ang biktima ng “Magnanakaw! Magnanakaw!” na kasabay ng pagtakbo ng dalawang suspek.

Tiyempo namang nagpapatrulya sina Airport Police officer Gino Apinar, kasama sina Aviation Security officers Alvin Panor at Amor Cordova na sanhi ng agarang pagkakaaresto nina Anto at Elera habang nakatakas ang kanilang kasabwat patungong direksiyon ng kanluran ng paliparan. At ang isa ay tumawid sa kalsada papuntang parking lot.

Positibong itinuro naman ng biktima ang dalawang naarestong suspek.

-BELLA GAMOTEA