MAGILAS!

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

SPAIN – Walang titulo, ngunit uuwing magiting ang Gilas Pilipinas.

IBINIBIGAY ni coach Yeng Guiao ang tamang play sa timeout ng laro laban sa Ivory Coast.  (SBP PHOTO)

IBINIBIGAY ni coach Yeng Guiao ang tamang play sa timeout ng laro laban sa Ivory Coast.
(SBP PHOTO)

Tinapos ng Gilas ang four-country pocket tournament Torneo de Malaga sa Spain sa impresibong 73-63 laban sa Ivory Coast nitong Linggo sa harap nang nagbubunying Overseas Filipino Workers dito.

Sa ikalawang sunod na laro, nagpamalas ng kahandaan para sa Nationals si dating San Beda star Robert Bolick sa naiskor na 19 puntos, habang kumana si naturalized big man Andray Blatche ng 18 puntos at 18 rebounds para tuldukan ang European training camp sa 3-1 marka.

Ito ang ikalawang panalo ng Gilas Pilipinas sa Ivory Coast, sapat para makabawi sa 82-71 kabiguan sa Congo na naging dahilan para makawala ang pagkakataon na makaharap ang World No.2 Spain.

“The short tournament enabled us to gain confidence as we enter the last two weeks of preparation for the FIBA World Cup,” pahayag ni coach Yeng Guiao.

Nauna rito, pinanguhan ni Marc Gasol, pambato ng NBA champion Toronto Raptors, ang 79-62 panalo ng Spain sa Ivory Coast para maisaayos ang final day showdown kontra Congo sa abellon Martin Carpena Malaga.

Nag-ambag sina Paul Lee at Japeth Aguilar ng tig-siyam na puntos sa Gilas Pilipinas.

Naitala ng Gilas Pilipinas ang 11-4 advantage sa steals at may mababang turnover sa 7-14 laban sa karibal.

Naisalpak ni Bolick ang three-pointer, kasunod ang four-point play ni Blatche para sa 12-5 run at mahila ng Filipinos ang bentahe sa 36-25 may 2:04 ang nalalabi bago ang break.

Naitala ng Nationals ang pinakamalaking bentahe sa 50-38 sa third period.

Nakatakdang bumalik sa bansa ang Gilas sa Martes para ipagpatuloy ang pagsasanay bago ang FIBA World Cup sa Agosto 29.

Iskor:

Gilas Pilipinas (73) – Bolick 19, Blatche 18, Lee 9, Aguilar 9, Perez 8, Wright 6, Erram 4, Belga 0, Barroca 0.

Ivory Coast (63) – Thompson 20, Edi 15, Kone 11, Pamba 5, Sie 4, Sidibe 4, Bah 2, Baru 2, Pofana 0, Coulbaly 0, Cisse 0.

Quarterscores: 17-13; 39-29; 52- 42; 73-63.