Jones, pinagmulta sa head-butting

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

PINATAWAN ng PBA ng multang P20,000 si TNT import Terrence Jones dahil sa ginawang pag-headbutt kay San Miguel Beer guard Chris Ross sa Game Three ng 2019 PBA Commissioner’s Cup Finals nitong Biyernes.

Matapos repasuhin ang video ng nasabing kaganapan nitong Sabado, ang naunang tawag na flagrant foul penalty one ay itinaas sa penalty 2 kung kaya napatawan si Jones ng multa.

Kung mismong sa oras ng laro naibigay ang F2 kay Jones, awtomatiko itong ejected sa laro.

Ngunit, dahil F1 lamang ang itinawag sa kanya, pinaupo lamang siya ng tatlong minuto sa bench bago tinapos ang laro at pinamunuan ang Katropa sa pagkopo ng panalo na nagbigay sa kanila ng 2-1 bentahe sa best-of-seven title series ng PBA Commissioner’s Cup.

Samantala, pinagmulta din si Beermen forward Christian Standhardinger ng P5,000 dahil sa itinawag ditong F1 noon ding Game 3.

Ito’y matapos niyang ipitin ang kanang braso ni Jones at siniko sa tadyang habang pumupuwesto sila para sa rebound.

Wala namang nasuspinde at lahat ay nakalaro sa Game 4 nitong Linggo sa Araneta Coliseum.

-Marivic Awitan