Kasambahay, huli sa tangkang paglason sa amo

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ipinaaresto ng isang senior citizen ang kanyang kasambahay matapos umanong lagyan ng lason ang gamot ng biktima sa Muntinlupa City, nitong Sabado.

Nahaharap sa kasong attempted murder si Garnet Gallardo, 35, dalaga, bat residente sa Block 39 Lot 32, Carnacion Street, Navotas City.

Samantala ang biktima ay kinilalang si Remedios Gimena, 76, may asawa, ng Block 11 Lot 2, Soldiers Hills Village, Bgy. Putatan, Muntinlupa City.

Sa naantalang ulat ng Muntinlupa City Police, nadiskubre ang tangkang panlalason sa loob ng bahay ng pamilya Gimena, dakong 8:30 ng umaga.

Ayon sa pahayag ng biktima, kinuha niya ang kanyang herbal medicine nang mapansin nito ang kakaibang lasa at nang tingnan ang bote, dito niya nakita ang tatlong piraso ng Camphor Balls (Alcampor).

Kaagad na tinawag ng biktima ang mister at sinabi ang nakitang lason sa loob ng medicine bottle nito.

Mabilis nilang tinawag ang suspek at tinanong kung sino ang naglagay ng lason sa gamot ng biktima, dito umano umamin si Gallardo na nilagay niya ito dahil sa galit.

Dahil dito, agad na ini-report ng mister ang insidente sa barangay at ipinaaresto ang suspek bago diniretso sa himpilan ng pulisya.

-Bella Gamotea