Rice importation, ipatitigil ni Duterte

Filed under Balita, Features Balita RSS RSS Feed

Nag-alok si Pangulong Rodrigo Duterte ng “happy compromise” upang masuspinde ang pag-angkat ng bigas sa harvest season upang lumaki ang kikitain ng mga magsasaka.

RICE IMPORTATION

Ito ang pahayag ni Duterte nang bumisita sa Ilocos Sur, nitong Huwebes at sinabing dapat na unahin ang pagbili ng ani ng mga magsasaka kaysa sa importasyon ng bigas.

“I can assure you, I will create a happy compromise between the farmers at ‘yung importation. You can be sure that during your harvest no importation will be allowed. Ayaw ko. That’s what I said,” paglalahad ni Duterte nang dumalo sa inagurasyon ng Candon City bypass road project sa Ilocos Sur.

Isinusulong ng Pangulo na maprotektahan ang mga local farmer sa pamamagitan ng pagpapahintulot na maisagawa lamang ang pag-angkat ng bigas pagkatapos ng anihan.

“Ubusin mo muna bilhin, kung mahal magpalugi na lang tayo kaysa magbili tayo. Then we — ang tradeoff niyan, ang drawback is mag — magsama ang loob ng mga farmers. Hindi lang dito, both Visayas and Mindanao,” sabi ni Duterte.

Mas mainam aniya na ubusin na lamang ang ani ng mga magsasaka kaysa sumapi sila sa New People’s Army (NPA).

“Kay kung mag-NPA ‘yan mas malaki ang gastos natin. Anak ng pa… Buhay na pati bala. Common sense, bilhin mo. Bahala na malugi tayo,” sabi pa ng Pangulo.

Inilabas ni Duterte ang reaskyon nang magreklamo ang mga grupo ng mga magsasaka dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay.

Naiulat na lalo pang bumaba ang presyo ng palay sa P12 kada kilo hanggang P14 bawat kilo mula sa dating P20 bawat kilo sa unang bahagi ng taon.

-Genalyn D. Kabiling