Chavit, ‘di nakaligtas sa panunukso ni Digong

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Nakisali na rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko sa panunukso kay Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson kaugnay ng viral video nito bago pa magsimula ang laban ni Senator Manny Pacquiao sa Las Vegas, kamakailan.

VIRAL VIDEO

Sa kanyang talumpati nitong Huwebes, sinabi ng Pangulo na nais niyang maging mapalad pa ang alkalde sa susunod nitong pagsisikap.

Naglabas ng reaksyon ang punong ehekutibo matapos kumalat sa social media ang video ni Singson na inaantok-antok at nasasandalan nito ang katabing si Miss Universe Catriona Gray.

Kaagad namang naalimpungatan si Singson nang halos mabangga ng ulo nito ang balikat ni Gray na nakatingin lamang sa kanya.

Bilang panunukso kay Singson, sinabi ni Duterte na maaaring nagkukunwari lamang na matulog ang nasabing alkalde.

“Baka hindi totoo ‘yan. Totoong patulog-tulog siya pero…,”reaksyon ng Panbgulo na umani ng tawanan mula sa audience.

“We do not have that kind of opportunity to be… Ikaw ‘yon, sir, ang palagi eh. So we can only say good luck and may the next mission be accomplished,” payo nito kay Singson.

Sa naunang panayam sa telebisyon, nilinaw ni Singson na humingi na siya ng paumanhin kay Gray kaugnay ng insidente.

“Sabi ko, ‘Sorry ha, tinulugan ko beauty mo,’ kako sa kanya. Tawa nang tawa. Kararating lang namin, hindi ako nakatulog so jet lag. Nagising naman agad. Hindi lang umabot,” sabi pa ni Singson.

Paliwanag naman ni Singson, agad namang tinanggap ni Gray ang paumanhin nito sabay biro na sa susunod ay siya naman ang matutulog sa kanya.

-Argyll Cyrus B. Geducos