Kilalang aktor, mahiyain o suplado?

Filed under Blind Item, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

BAKA mahiyain lang talaga ang isang kilalang aktor, dahil ilang taon pa lang naman siya sa industriya, bilang produkto ng reality show.

Naikumpara kasi ang kilalang aktor sa kapwa niya aktor na kasama niya sa isang programa, na base sa obserbasyon ng production team ay mas okay kumpara sa kanya.

“Si (aktor) kasi pagdating sa set, lahat binabati niya, pati utility. Sa mga babae naman bumebeso. Saka mabait siya talaga, magalang pa.

“Si (kilalang aktor), wala lang. Ngingitian lang niya ‘yung gusto niya, tapos diretso na sa standby area.

“Hindi rin makuwento, tahimik lang, basta nandoon lang sa isang sulok. Hindi rin ngumingiti kapag napapatingin siya sa iba,” kuwento ng aming kausap na dumalaw sa set ng programa.

Ang aming kausap ay may posisyon sa production, kaya dumadalaw o napapadaan siya sa set ng mga programang hawak niya.

Pero ipinagtanggol din naman ng aming kausap ang kilalang aktor.

“Ano kasi, baka naninibago o nahihiya lang, kaya nangangapa. Kasi kapag kinausap mo naman, sumasagot o sumusunod kung anong ipagagawa. So baka nahihiya.”

Bihira rin daw mag-usap sa set ang kilalang aktor at ang kapwa niya aktor, kaya ang madalas na kausap ng huli ay ang taga-production, o kaya naman ay natutulog siya.

Hirit namin, mas sanay kasi sa tao ang aktor dahil marami na siyang kilala, samantalang baguhan pa lang sa industriya ang kilalang aktor.

-Reggee Bonoan